ni Lolet Abania | April 27, 2021
Inirereklamo na ng mga residente ang masangsang na amoy at makakapal na usok na nagmumula umano sa isang public crematorium sa Muntinlupa City.
Ayon sa local government unit (LGU) ng Muntinlupa, walang dapat ipangamba ang mga residente sa lumalabas na usok dahil hindi umano ito banta sa kanilang kalusugan.
Bagama’t mayroong pader sa pagitan ng crematorium at mga kabahayan, mababa naman umano ang pagkakagawa nito.
Maging ang chimney ay halos kasingtaas lamang umano ng ibang mga bahay kaya pumapasok ang usok sa mga ito.
At dahil sa perhuwisyong nararanasan, ilang residente na rin ang umalis sa lugar at lumipat na ng tirahan.
Gayunman, inatasan na umano ng lokal na pamahalaan ang nasabing public crematorium na taasan ang kanilang chimney at agad itong gawin, subalit pag-uusapan pa umano nila ang tungkol sa pagpapataas ng pader nito.
“Wala naman daw po itong banta dahil mayroon namang inilalagay na kemikal doon sa pagsusunog at saka ito po ay may disinfection, every after ng kini-cremate. ‘Yung sinasabi nilang masangsang na amoy, pinaiimbestigahan pa rin ‘yan,” ayon sa head ng Public Information Office (PIO) ng Muntinlupa City na si Tess Navarro, na hindi binanggit ang detalye ng public crematorium.
“Pero according to the technician, ang tao o ang namatay, ‘pag nasusunog po, wala hong amoy ‘yan, maliban sa... Nilalagyan ho kasi ng chemicals ‘yan para ‘di po siya umamoy,” sabi pa ni Navarro.
Humihingi naman ng pang-unawa ang Muntinlupa City government sa mga apektadong residente. Anila, agad nilang tutugunan ang mga reklamo ng kanilang mga kababayan.
Samantala, ayon sa LGU, tatlong bangkay ang kini-cremate kada araw sa naturang public crematorium.
Comments