top of page
Search
BULGAR

Masamang epekto ng sugal sa buhay ng mga Pinoy

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 16, 2021


Itinuturing na bahagi ng kulturang Pilipino ang pagiging sugarol o pagkahilig sa pakikipagsapalaran na may kaakibat na tayang pera at pag-asang baka isang araw ay dapuan ng suwerte at magkamal ng malaking pera sa mabilis na pagkakataon.


Magkakaiba ang dahilan kaya may mga kababayan tayong nahuhumaling sa pagsusugal, unang-una na rito ang kagustuhang kumita ng biglaang malaking halaga na hindi naghirap sa paghahanapbuhay tulad ng pagtaya sa lotto, sweepstakes at ibang kahalintulad nito.


Halimbawa ng halagang P20 na itataya sa lotto, mataas naman ang porsiyento ng ating mga kababayan na naniniwalang mas madali pang tamaan ng dalawang ulit ng kidlat ang indibidwal kumpara sa tamaan ang jackpot ng lotto.


Ngunit patuloy pa rin sa pagtaya ang marami sa ating mga kababayan dahil tulad ng isang lasenggo ay kailangan niyang lumagok ng alak upang ibsan ang nararamdamang pagkauhaw at pananabik na pansamantalang mahilo para lamang kahit saglit ay makatakas sa totoong mundo.


Ganito rin sa sugal, mas mahimbing ang tulog ng mga taong tumataya ng lotto dahil sa halagang P20 ay damang-dama nila ang pag-asa na baka paggising nila ay isa na silang ganap na milyunaryo at nakangiti silang natutulog kasabay ng kanilang mga pangarap.


Mas masarap nga namang matulog na sa halagang P20 ay may inaasahan kang pag-asa kahit sobrang liit na tsansa ay tinatawag pa rin itong pag-asa at ang iba naman ay tinatawag itong tsamba na hindi nga naman darating kung wala kang taya.


Kinabuksan dahil hindi tumama ay panibagong P20 na naman ang gagastusin ng mananaya na kung ikukumpara sa pag-inom ng bitamina araw-araw ay halos pareho lang ang gastos at parehong ginhawa rin ang pakiramdam na dulot.


Sugal ang numero unong libangan ng ating mga kababayan, partikular ang mga nasa laylayang bahagi ng ating bansa kung saan napakarami ng mga mahihirap na nawalan na ng pag-asa at umaasa na lamang sa tsamba o suwerte kung tawagin nila.


Ang pagkahilig ng Pinoy sa sugal ang sinasamantala ng mga gambling lord sa ating lipunan na sobrang yayaman na dahil lamang sa pagtatayo ng kung anu-anong sugal na puwede sa mahirap.


Lahat ng umiiral na sugal sa buong bansa ay dinisenyo hindi para sa mayayaman dahil ang mga big time na sugarol sa ating bansa ay sa mga legal na pasugalan nagpupunta, tulad ng casino.


Ito ang dahilan kaya kahit ipinagbabawal at tinutugis ng pulisya ay nakalulusot pa rin sa ilang lugar ang kung anu-anong klase ng numbers game at mga sugal-kalye na ultimo mga bata ay biktima dahil sa napakamura ng taya.


At ngayon ay mga online gambling na rin na dahil sa pandemya ay marami ang nahumaling at nakalulungkot na tumaas ang kaso ng mag-asawang naghiwalay dahil hindi lang si mister ang tumataya dahil maging si misis ay naipatatalo na ang pambayad sa kuryente, pambayad sa eskuwela at iba pang panggastos sa bahay.


Hindi naman lahat ng tao ay nagsusugal, ngunit marami sa ating mga kababayan ang kaya naengganyo dahil nagkaroon sila ng pagkakataong matutong magsugal na dati-rati ay sa umpukan o personal na kuwentuhan lamang natututunan, ngunit ngayon ay mas dumali dahil may social media na.


Sa iba ay hindi naman masama ang pagsusugal, ngunit ang sobrang pagsusugal ay talagang nakasisira na ng buhay at hindi lang mahirap ang biktima nito dahil kahit mayayaman ay nalululong sa sugal.


Ito ‘yung inaaraw-araw na ang pagpunta sa mga sugalan, hindi na halos natutulog, wala nang gana sa pagkain, nakaliligtaan na ang kalinisan ng katawan, pinabayaan na ang trabaho, naubos na ang ipon, gumulo na ang pamilya, ang mga kaibigan ay sinuba na at nagnanakaw na dahil sa sobrang pagkagumon sa sugal.


Sila ‘yung mga taong hindi na nagsusugal para manalo kung hindi kaya sila nagsusugal ay dahil nais lang nilang magsugal buong magdamag hanggang kinabukasan, hangga’t may perang pang pangsugal -- sugal lang nang sugal.


Matindi ang epekto ng pagkagumon sa sugal, unang-una na ang labis na problema sa pinansiyal, kasunod ng depresyon at pagkabalisa na kalaunan ay puwedeng mauwi sa pagpapatiwakal, problema sa kalusugan na tulad ng drug addict ay apektado ang buong pamilya at iba pang mahal sa buhay.


Sabagay hindi lang naman sa pagsusugal nagbubunga ng masamang epekto dahil lahat ng bagay kapag sobra ay hindi na mabuti, ngunit ibang usapan naman na kapag maraming tukso sa iyong paligid ay mas malaki ang tsansa na maging biktima ka ng pagkakataon.


Hindi tayo naniniwalang bahagi ng kulturang Pinoy ang pagiging sugarol, nagkataon lang na sandamakmak ang nais samantalahin ang kahinaan ng ating mga kababayan na dahil sa kahirapan ay babawasan pa ang pambili ng bigas para lamang sa tinatawag na tsamba!


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page