ni Dr. / Atty. Erwin P. Erfe, M.D. - @Sabi ni Doc | August 18, 2022
Dear Doc Erwin,
Ako ay isang ina na may anak na nag-aaral sa pampublikong eskwela. Sa darating na pasukan ay nasa Grade 3 na ang aking anak na lalaki.
Itong nakalipas na taon ay bumaba ang mga grades ng aking anak. Ayon sa doktor na nag-medical mission sa eskwelahan ay mahina ang pandinig ng aking anak at inirekomenda na siya ay mag-hearing aid. Inirekomenda rin na bawasan ang ingay sa aming bahay at kapaligiran dahil ito raw ay malaki ang epekto sa kalusugan ng bata.
May kinalaman ba ang ingay sa pagkabingi ng aking anak? May epekto ba ang ingay sa kapaligiran sa kalusugan ng aking anak? Sana ay mabigyan ninyo ng sagot ang aking mga katanungan. - Victoria
Sagot
Maraming salamat Victoria sa iyong pagliham sa Sabi ni Doc.
Malaking bagay ang nagawa ng doktor na sumuri sa iyong anak. Ito ay dahil sa nakita niya na ang pagkabingi ng iyong anak ay maaaring dahil sa ingay sa kapaligiran o noise pollution.
Malaki ang epekto ng noise pollution sa kalusugan ng iyong anak. Ayon sa scientific article sa journal ng Environmental Health Perspectives na inilathala noong Marso 2000 ay sinabi ng mga siyentipiko sa Europa na may scientific evidence na ang noise pollution ay dahilan ng pagkabingi, high blood pressure, sakit sa puso, pagkainis, hindi makatulog at pagbaba ng school performance ng kabataan. Bagama’t mahina pa ang lumalabas na ebidensya, maaring may epekto rin ang noise pollution sa immune system at maaaring may kaugnayan din ito sa mga birth defects.
May epekto rin ang noise pollution sa mental health. Ang resulta ng mga pag-aaral ay nagpapakita na ang noise pollution ay lalong nagpapalakas ng ating stress response. Ang ibig sabihin nito ay lalo tayo nagiging sensitive sa stress. Malaki rin ang epekto nito sa ating pagtulog dahil nababawasan nito ang lalim at himbing ng ating pagtulog.
Sa pag-aaral sa India ng mga environmental engineers na inilatha noong 2018, ang noise pollution ay maaaring magpataas ng blood pressure at magpalapot ng dugo. Maaari rin maging dahilan ito ng pagkakasakit sa puso. Sa pag-aaral sa Canada ay nakita ng mga siyentipiko na mas madalas ang sakit na preeclampsia (ang pagtaas ng blood pressure habang nagbubuntis) sa mga indibidwal na maingay ang kapaligiran.
Ayon sa Harvard School of Public Health, ang noise pollution ang dahilan ng mahigit sa 48,000 na mga bagong kaso taon taon ng sakit sa puso sa europa. Sinabi ni Dr. Ahmed Tawakol, associate professor of medicine sa Massachusetts General Hospital, na may epekto ang noise pollution sa isang parte sa ating utak na maaaring mag-trigger ng stress at inflammation na magiging dahilan ng pagkakasakit sa puso at metabolic diseases, tulad ng diabetes.
Paano maiiwasan ang mga nabanggit na sakit dulot ng noise pollution? Ayon sa mga dalubhasa, maaaring mabawasan ang ingay sa kapaligiran sa pamamagitan ng pagbabawas ng ingay mula sa appliances tulad ng television at radyo. Maaari rin bawasan ang ingay mula sa mga video games at computers. Ang mga lumang gamit sa bahay, tulad ng lumang aircon, refrigerator at electric fan ay dahilan ng ingay sa kapaligiran na maaaring palitan ng bago at mas tahimik na mga appliances. Maaari mo rin pagamitin ang iyong anak ng ear plugs at ear muffs na mga panlaban sa ingay.
Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com
Comments