top of page
Search
BULGAR

Masama ang loob sa anak na OFW dahil puro sumbat

ni Sister Isabel del Mundo - @MgaKuwentongBuhayatPag-ibig | August 8, 2022


Dear Sister Isabel,


Biyuda ako at may apat na anak, maliliit pa sila nang namatay ang kanilang ama. Sinikap kong bigyan sila ng magandang buhay at makatapos ng pag-aaral, at sawa ang Diyos, nalagpasan ko ang lahat ng matitinding pagsubok ng isang single parent.


Naging domestic helper ako sa abroad at maging ang trabahong lalaki ay pinasok ko na. Ang masakit, hindi ako iginagalang ng anak ko, napakasakit niyang magsalita at para bang hindi niya ako ina. Narating na niya ang tagumpay at kasalukuyan siyang nagtatrabaho sa abroad.


Masama pala ang loob niya tuwing nagpapadala sa akin dahil mula raw nang magkatrabaho siya ay kailangan niya akong bigyan, samantalang hindi naman daw ako gumastos sa huling taon ng pag-aaral niya, gayundin, siya raw ang tumulong sa bunsong kapatid niya para makapagtapos ng pag-aaral.


Napakasakit niyang magsalita kahit wala naman akong masamang nagawa sa kanya at lumalabas na hindi niya pinahalagahan ang lahat ng sakripisyo ko para sa kanila.


Inaamin ko na hindi ko na kinayang mag-abroad, pinilit ko kasing makauwi dahil sa takot na mag-asawa sila ng ate niya nang bata pa, habang ang bunso ay baka maging adik. At noong kinapos ako ng pagpapaaral sa kanila, tinulungan ako ng mga kapatid ko.


Gayunman, ‘yun ang palaging isinusumbat niya at masamang-masama ang loob niya ‘pag nagpapadala siya ng maliit na halaga. Ang hindi ko matanggap ay ang masasakit na salitang binibitawan niya dahil tuwing malungkot siya ay ako ang pinagdidiskitahan niya. Wala pa siyang asawa sa edad na 35 at may pagka-tomboy siya.


Ano ang dapat kong gawin para bumait siya sa akin? Nawa’y mapayuhan n’yo ako para lumuwag ang damdamin ko.


Nagpapasalamat,

Thelma ng Cavite



Sa iyo, Thelma,


Ganyan ang uso ngayon sa mga anak na pinaghirapang palakihin, pag-aralin at tinulungang marating kung ano sila ngayon, at sila pa ang magsasalita ng masasakit sa mga magulang na nagtiis para mabigyan sila ng magandang bukas. Isa na r’yan ang anak mo na nagbibigay sa iyo ng sama ng loob sa kasalukuyan.


Ang maipapayo ko ay ipagdasal mo na lang at humingi ka ng tulong sa Diyos. Buong taimtim mong ipagdasal na hawakan Niya ang puso at isip ng anak mo para igalang at mahalin ka. Kung kokomprontahin mo kasi siya, tiyak na hindi siya magpapatalo at hahaba lang ang usapan n’yo at lalo kang masasaktan.


Tanging Diyos ang makakatulong sa iyo. Tumawag ka at ikaw ay pakikinggan. Kumatok ka at ikaw ay pagbubuksan, ‘ika nga sa banal na kasulatan. Speaking of Bible, subukan mo itong buksan at magugulat ka. Ang problemang dinadala mo ngayon ay agad na tutugunin at magkakaroon ng kasagutan kapag nagbasa ka ng Biblia.


Sa pahina na binuksan mo, saktong tungkol ito sa iyong problema, kaya kumuha ka agad ng Bible. Tiyak kong gagaan ang iyong kalooban sa sandaling mabasa ang pahinang binuksan mo. Hindi natutulog ang Diyos, bagkus, gagabayan ka Niya sa pamamagitan ng Biblia.


Sumasaiyo,

Sister Isabel del Mundo


Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page