ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | January 13, 2023
Nakalulungkot na kung kailan nasa mapayapang paggalaw ang ating pamahalaan sa mga hakbangin tungo sa pagsulong at paglago ng ekonomiya ay saka pa maglalabasan ang mga pekeng balita tungkol sa ‘destabilization plot’.
Halos hindi pa nga tayo nakaaahon sa kinasadlakan nating iskandalo sa naganap sa ating mga paliparan noong bagong taon ay heto na naman at tila may ilan talagang masama ang balakin at ayaw makitang maayos at mapayapa ang bansa.
Dahil dito ay naobliga pang maglabas ng pahayag ang pamunuan ng Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) na walang katotohanang may mga “unusual movement” mula sa mga tropa ng pulisya at militar kaugnay sa umano’y namumuong ‘destabilization plot’.
Wala umanong inilalabas na direktiba si PNP Chief Gen. Rodolfo Azurin, na itinataas sa “full alert” status ang pambansang pulisya kaugnay sa napabalitang planong coup ‘d'etat kasunod ng pagbibitiw sa pwesto ng ilang opisyal ng Department of National Defense (DND).
Lumalabas na talagang nasa “full alert” status ang PNP dahil sa pista ng Itim na Nazareno na nagsimula ang aktibidad nitong nagdaang Sabado at nagtatapos noong Lunes January 9, 2023.
Nilinaw din na ang mga nakitang larawan na mga tanke ng Special Action Force (SAF) sa harap ng PNP NHQ ay routine, kung saan nagsasagawa sila ng simulation exercise na layong matiyak ang kahandaan ng mga pulis sa anumang mga posibleng kaguluhan partikular sa kanilang security preparations sa Nazareno 2023.
Itinanggi rin ng AFP ang ulat na may mga unusual movement ng mga tanke at tropa sa Camp Aguinaldo at ang tanging aktibidad lamang umano ay ang turn over ceremony kung saan pormal nang itinalaga bilang AFP Chief of staff si Gen. Andres Centino kapalit ni Lt. Gen Bartolome Bacarro na nagretiro na sa serbisyo.
Sa isang banda ay nagtagumpay ang nakaisip ng fake news dahil naalog ng bahagya ang sitwasyon at naubos ang maghapon ng ating sandatahang lakas kapapaliwanag na walang katotohanan ang lahat.
Mas napagtuunan pa ng pansin ang pekeng distablisasyon kumpara sa tagumpay ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos (PBBM) nang magsagawa ito ng tatlong araw na pagbisita sa China noong Enero 3 hanggang 5 kung saan ay nakakuha ito ng 22.8 bilyong dolyar na investment.
Inaasahan kasing magdudulot ito ng libu-libong trabaho kasabay na nang pagsasalin ng mga epektibong teknolohiya na pinakikinabangan ng bansang China sa ating bansa.
Sa lalong madaling panahon ay magsisimula na umano ang mga pagsasanay, capacity building para sa mga magiging empleyado na malaking tagumpay ng ating pamahalaan.
Isipin ninyo na ang Chinese investors ay nangako ng 22.8 bilyong investment, kabilang na ang 1.72 bilyong dolyar para sa agribusiness, 13.76 bilyong dolyar para sa renewable energy at 7.32 bilyong dolyar para sa strategic monitoring (electric vehicle at mineral processing).
Sa katunayan, ilan sa mga investment ay nagsisimula na ang kanilang konstruksyon at ang iba ay nagbukas na ng kani-kanilang tanggapan para makapagsimula na ring makakuha ng mga taong nais magtrabaho.
Alam n’yo ba na ang kasunduan sa pagitan ng SteelAsia at Baowu Steel lamang ay magdadala na ng 1.5 bilyong dolyar na investment sa bansa at magdudulot na ito ng 2,000 hanggang 3,000 trabaho at ito ay umpisa pa lamang at marami pang kasunod?
Sa ipinangakong investment ng China ay marami pang nakikitang potential projects na puwedeng pag-aralan at higit sa lahat ay abot-kamay na natin ang mga benepisyong pakikinabangan ng ating bansa.
Hindi rin gaanong nabigyang-pansin ang ipinakitang pagtutok ng China sa soft infrastructure, climate change, renewable energy, people-to-people ties at agricultural cooperation na tinawag nilang ‘durian protocol’ na ang ang tinutukoy ay ang kasunduan na mag-e-export ang Pilipinas ng durian sa bansang China.
Nagkasundo ang Manila at Beijing sa kasunduan ng phytosanitary requirements para sa pag-export ng sariwang durian mula sa Pilipinas patungong China sa pagitan ng Department of Agriculture (DA) at ng China's General Administration of Customs.
Labing-apat na bilateral agreement din ang napagkasunduan ng bansa at ng China sa naganap na pagbisita ni P-BBM kabilang na ang kasunduan sa agriculture, infrastructure, development cooperation, maritime security at turismo.
Napag-usapan na rin ang kalalagayan ng ating mga mangingisda na makapangisda sa ating natural fishing grounds kasabay ng mga kasunduan pa na iiwas pareho ang magkabilang panig sa mga pagkakamali na posibleng humantong sa hindi pagkakaintindihan tulad ng mga unang pangyayari.
Nagkasundo ang Pilipinas at ang China para sa pagsasaayos at pagtatatag ng komunikasyon sa maritime issues sa pagitan ng Department of Foreign Affairs (DFA) ng Pilipinas at ng Ministry of Foreign Affairs of China.
Ang DA at ang Chinese Ministry of Agriculture and Rural Affairs ay lumagda rin sa joint action plan para sa taong 2023-2025 para sa agricultural at fisheries cooperation.
Nagkasundo rin ang bansa at ang Chinese government na ipatupad ang memorandum of understanding on tourism sa pagitan naman ng Philippines' Department of Tourism (DOT) at ng Ministry of Culture and Tourism of China.
Base sa datos ng DOT, umabot sa 1.7 milyon ang turistang Chinese nationals na dumating sa bansa noong taong 2019 at tumamlay lamang sa panahon ng pandemya—mahahalagang pangyayari ito sa bansa na inaagaw lamang ng mga pekeng balita hinggil sa destabilisasyon.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments