top of page
Search
BULGAR

Mas pinalakas na health sector, target ng bayanihan 2

ni Sonny Angara - @Agarang Solusyon | August 29, 2020


Posibleng umapaw na sa 200,000 ang mga positibong kaso ng COVID-19 sa bansa. Ibig sabihin, mayroon na tayong higit 60,000 active cases, tinatayang 3,000 na namatay at mahigit 130,000 na nakarekober.


Walang nakaaalam kung kailan matatapos ang krisis na ito, pero ang mahalaga, may nakalaang tulong ang pamahalaan para sa lahat ng apektado. Ito ang nilalayon ng ipinasa natin sa Senado na Bayanihan to Recover as One Act o mas kilala bilang Bayanihan 2.


Kabuuang pondo na P165.5-B ang nakapaloob sa Bayanihan 2, kung saan, malaking bahagi nito ay inilaan sa pinakamahalagang sangay ngayon ng gobyerno — ang kagawaran ng kalusugan.


Sa naturang kabuuan, P140-B ang regular appropriation, habang P25.5-B ang tinatawag na standby fund. Sa ilalim nito, P40.5-B ang nakalaang pondo para mga programa at iba pang mga pangangailagan ng ating medical frontliners. Mula sa P40-B na ito, P3-B ang inilaang alokasyon sa Department of Health upang makabili ng mga nabanggit na pangangailangan.


Kabilang sa mga ito ang pagbili ng 6 milyong N95 face masks; 8.5 milyong medical gowns; 1 milyong head covers; at 2 milyong coveralls. Ito ang mga ginagamit ng mga doktor at iba pa nating healthcare workers na sumasabak nang direkta sa mga pasyenteng may COVID bilang kanilang proteksiyon. Makikinabang din sa mga kagamitang ‘yan tulad ng face masks ang ating mga kababayang indigent na walang kakayanang bumili ng mga gamit pang-proteksiyon.


Iniaatas din ng Bayanihan 2 na ang bibilhing PPEs ay kailangang gawa sa bansa, sa kondisyong ang mga ito ay sulit sa presyo at de-kalidad. Ito ay upang matulungan ang ating mga lokal na PPE manufacturer.


Sa kabuuan, halos pinakamalaking bahagi ng pondo para sa Bayanihan 2 ang inilaan sa sektor pangkalusugan.


At upang mas maging malinaw, kabilang sa mga programang pangkalusugan ang patuloy na pag-empleyo ng emergency human resources for health (HRH); pagpapaigting sa kakayahan ng DOH hospitals; special risk allowance para sa mga pribado at pampublikong health workers at kompensasyon sa health workers na magkaka-COVID o papanaw dahil sa sakit na ito habang naka-detalye sa COVID wards. Kabuuang P13.5-B ang inilaan ng Bayanihan 2 para sa mga programang ito.


Kaugnay nito, nagpahayag din ang DOH na kakailanganin pa rin nila hanggang sa mga susunod na araw ang mga dagdag HRH upang mas mapalakas ang kanilang pagresponde sa mga kaso ng COVID-19, partikular sa mga lugar kung saan mataas ang bilang ng mga infected.


Noong minsang mag-public address si Pangulong Rodrigo Duterte, ipinangako niya na sa ilalim ng Bayanihan 2, magiging prayoridad ang mga programa ng health sector. Kabilang d’yan ang additional hiring ng health personnel at ang pagkakaroon ng special risk allowance at benefits para sa kanila. Kahit man lamang sa ganitong paraan, malaman nilang labis nating kinikilala at pinahahalagahan ang kanilang pagsasakripisyo para sa atin.


Kabilang sa mga kompensasyong matatanggap ng ating healthworkers, base sa naunang Bayanihan 1 ay P100, 000 para sa health workers na malubhang tatamaan ng COVID at P1-M para sa mga papanaw kaugnay ng karamdamang ito habang nasa active duty. Sa ilalim naman ng Bayanihan 2, tatanggap ng P15,000 ang healthworkers na magdaranas nang mild to moderate case ng COVID.


May kaukulan ding P4.5-B para sa konstruksiyon ng temporary medical isolation at quarantine facilities, field hospitals, dormitories para sa frontliners at sa pagpapalawak sa kapasidad ng mga ospital sa bansa at isa pang P4.5-B para naman sa konstruksyon at pagmamantine ng isolation facilities, billing ng hotels, pagkain at transportasyon na gagamitin sa pagresponde sa COVID cases. Kaukulang P5-B naman ang inilaan para sa hiring ng 50,000 contact tracers ng DILG at P10-B standby fund para sa IATF sa pagbili ng gamot, testing at bakuna.

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City

o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.co

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page