top of page
Search
BULGAR

Mas pinadali, pinabilis at pinasimpleng transaksiyon sa SSS

@Buti na lang may SSS | June 20, 2021


Dear SSS,


Ako ay matagal ng naghuhulog sa SSS. Noong nakaraang buwan ay ipinagdiwang ko ang aking 65 na taong kaarawan. Dahil dito, nais ko na sanang mag-file ng retirement claim sa SSS. Gusto kong malaman kung mayroon nang online filing? – Lolo Rick


Sagot


Mula pa noong Hulyo 2015, tumatanggap na ang SSS ng retirement benefit claim application online para sa mga miyembrong umabot na sa kanilang technical retirement age o 65-anyos. Noong Mayo 2018, pinalawig ng SSS ang nasabing online application para sa mga miyembrong magreretiro kahit wala pa silang 65-anyos.


Sa ngayon, karamihan ng SSS transactions ay maaaring maisagawa ng mga miyembro at employer gamit ang My.SSS at SSS Mobile App. Bahagi ito ng aming kampanya sa ilalim ng ExpreSSS — mas pinadali, pinabilis at pinasimpleng transaksiyon sa SSS. Patuloy na sinisikap ng ating ahensiya na maging available na online ang iba’t ibang uri ng transaksiyon para sa kapakanan ng mga miyembro at employer.


Maisasagawa mo, Lolo Rick ang online na pag-file ng iyong retirement benefit application gamit ang iyong account sa My.SSS na nasa SSS website (www.sss.gov.ph). Kaya dapat tiyakin ninyong kayo ay nakarehistro na sa My.SSS. Kung hindi pa, maaari kayong magtungo sa ating website (www.sss.gov.ph) at i-click ang “MEMBER.” Dadalhin kayo nito sa member login portal at i-click ang “Not yet registered in My.SSS?” upang masimulan ang iyong pagrerehistro rito. Punan ninyo ang lahat ng kinakailangang impormasyon. Nais nating ipaalala na ang irerehistro ninyong e-mail address ay aktibo at nagagamit pa dahil dito ipadadala ng SSS ang link para mai-activate at magamit ang iyong account.


Para makapag-file, mag-log in gamit ang iyong My.SSS account. Sunod, ipasa ang retirement claim application gamit ang “E-SERVICES” tab. Hinihikayat din nating i-update ang inyong contact information tulad ng inyong mailing address sa Pilipinas o sa ibang bansa, telephone number, mobile number at e-mail address.


Matapos matanggap ng SSS ang iyong retirement claim application, makikita ninyong matagumpay ng naipasa ang iyong aplikasyon. Magbibigay din ang My.SSS ng claim reference number na maaaring i-print para sa kaukulang follow-up. Tatanggap din kayo ng abiso sa email na naipasa na ang retirement claim application sa pamamagitan ng SSS website.


Dalawang uri ang pagbabayad ng benepisyo sa pagreretiro. Ito ay ang buwanang pensiyon o lump sum benefit kung saan ang ibibigay sa retiradong miyembro ay naaayon sa bilang ng naihulog niyang kontribusyon. Samantala, ang halaga namang matatanggap ay ibabatay sa haba o bilang ng taon ng paghuhulog ng miyembro o credited years of service (CYS) at ang monthly salary credit ng miyembro kasama na ang P1,000 dagdag benepisyo na ipinatupad ng SSS simula Enero 2017.


Kung nakapaghulog naman ng hindi bababa sa 120 buwanang kontribusyon bago ang semestre ng pagreretiro, makatatanggap ang miyembro ng buwanang pensiyon. Ang lump sum benefit naman ay ibinibigay kapag hindi umabot sa 120 buwan ang naihulog ng miyembro.


◘◘◘


Para sa tamang impormasyon at updates sa mga programa at benepisyo ng SSS, hinihikayat namin ang mga miyembro at employer na bisitahin at i-follow ang opisyal na Facebook page ng SSS sa “Philippine Social Security System” o sa Twitter account sa @PHLSSS. Maaari ding mag-subscribe sa YouTube channel sa "Philippine Social Security System" at sumali sa SSS Viber Community, “MYSSSPH Updates."


◘◘◘


Kung mayroon kayong mga katanungan tungkol sa SSS o kaya ay mayroon kayong paksa na nais talakayin sa pitak na ito, maaari kayong magpadala ng e-mail sa mediaaffairs@sss.gov.ph.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page