top of page
Search

Mas paghandaan ang 7 pang bagyo kesa Pasko

BULGAR

ni Bong Revilla @Anak ng Teteng | Nov. 18, 2024



Anak ng Teteng ni Bong Revilla Jr.

Hindi naman masamang maghanda para sa darating na Kapaskuhan ngunit huwag sana nating isasantabi ang paghahanda para sa bagyo dahil apat hanggang pitong bagyo pa ang inaasahan nating papasok sa bansa bago matapos ang taong 2024.


Noong isang linggo lamang ay nanawagan tayo na maghanda para sa pagpasok ng Bagyong Pepito ngunit ngayon ay may dobleng paalala pa ang ating ipinakikiusap dahil baka hindi na natin kayanin ang mga paparating na bagyo na ayon sa PAGASA ay may bitbit ding malalakas na pag-ulan.


Bilang chairman ng Committee on Public Works ay mariin din nating kinakalampag ang Department of Public Works and Highways (DPWH) at mga Local Government Units (LGUs) sa buong bansa na tiyaking handa ang kani-kanilang nasasakupan upang maiwasan na natin ang mga hirap na ating dinanas nitong mga nagdaang bagyo.


Heto at marami na naman ngang sinalanta ng Bagyong Pepito kaya mas dapat talaga tayong matuto sa mga karanasang dulot nito para hindi tayo mapahamak.


Mismong PAGASA na ang nag-anunsyo na hanggang pitong bagyo pa ang inaasahan nating papasok sa bansa bago matapos ang taon at sa ayaw man natin o sa gusto ay tiyak na malaki ang epekto nito sa pagsalubong natin sa araw ng Pasko at Bagong Taon.


Oo nga at kailangang masiguro ng DPWH at ng mga tatamaang LGUs ngayon pa lang -- na malinis at maluwag ang mga daluyan ng tubig at ma-clear lahat ng mga maaaring maging debris, pero huwag tayong puro asa sa gobyerno, dapat sa mga personal nating kapasidad ay maghanda rin tayo para matiyak na walang maging problema.


Hindi baleng binabayo tayo ng bagyo sa panahon ng Kapaskuhan basta’t ligtas lang ang bawat isa at wala tayong nawawalang kaanak o pinaglalamayan.


‘Yung mga nakatira sa mga delikadong lugar ay makipag-ugnayan na sa lokal na pamahalaan at huwag matigas ang ulo kapag pinapalikas para walang madisgrasya.


Ngayon pa lamang dapat ay palaging naka-ready ang mga kagamitan partikular na ang mga damit at gamot upang isang bitbit na lamang sakaling rumagasa ang pagtaas ng tubig baha.


Marami kasing napapahamak dahil sa may nakalimutan na mahalagang bagay sa bahay at kapag binalikan ay doon nangyayari ang trahedya.


Alam naman na natin ang mga lugar na palaging binabaha -- maliban na lamang sa mga binaha sa unang pagkakataon, kaya sana alam na natin ang mga dapat nating gawin kung ayaw naman nating lumipat ng bahay.


Tulad sa lalawigan ng Bulacan na sanay na ang mga tao sa baha, marami sa kanila ang may sariling bangka at salbabida dahil alam nilang kailangan sa tuwing umuulan.


‘Yung mga lugar na may pag-asa pa namang hindi binabaha ay inaasikaso na ngayon ng DPWH pero ang mga lugar na ilang dekada na ay talagang may pagbaha, dapat na mas doble ang paghahandang ginagawa.


Baka kasi nakatuon lahat ng panahon ng mga kababayan natin sa papalapit na Pasko at ang konsentrasyon ay nasa pagbili ng mga damit at regalo para sa Christmas party, tapos nakaligtaan na may paparating palang bagyo at iba pa.


Basta’t maging alerto lang, huwag tayong papatay-patay para sa susunod na pag-ikot natin ay hindi ayuda ang ating ipamimigay kundi regalo na para sa Pasko.


Siyempre napakasaya kung kumpleto tayo sa pamilya na sasalubong sa Pasko at Bagong Taon kahit wala tayong maraming handa basta’t magkakasama lang ay ayos na.


Kaya para maging maligaya ang Pasko at Bagong Taon ay maghanda tayo para sa kaligtasan natin laban sa pitong bagyo pa bago matapos ang taong 2024.


Anak Ng Teteng!


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page