top of page
Search
BULGAR

Mas mura at mas mabilis kuno… Babala sa mga kumukuha ng lisensya online!

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 27, 2022


Kapahamakan ang naghihintay sa sinumang bibili o papatol sa mga nagpapanggap na mga empleyado ng Land Transportation Office (LTO) na nag-aalok online gamit ang Facebook na puwede kang magkaroon ng driver’s license nang hindi na kukuha ng eksaminasyon at actual testing kapalit ng kaukulang bayad.


Karaniwang biktima ng naturang sindikato online ay ang ating mga kababayang nakapag-ipon lamang P3,000 hanggang P5,000 para makapag-down payment sa isang ordinaryong motorsiklo, ngunit hindi pa marunong magmaneho.


Dahil sa dami ng nag-aalok ng murang motorsiklo ay tumaas ang bilang ng mga bumili nito na nag-aral lamang magmaneho noong nakabili na sila ng motorsiklo at karamihan ay student permit pa lamang ang hawak at hindi pa pinapayagang magmaneho ng mag-isa.


Marami sa mga nakabili ng motorsiklo ay nakararamdam ng kaba sa pagkuha ng driver’s license dahil nga sa sila mismo ay hindi pa buo ang tiwala sa kanilang sarili pagdating sa pagmamaneho ng motorsiklo ngunit mas marami naman ang bilang ng ating mga ‘kagulong’ na sapat naman talaga ang kaalaman.


Itong mga kabado o mahina ang loob ay karaniwang lumalapit sa mga fixer na naglipana sa ilang tanggapan ng Land Transportation Office (LTO) na hindi naman mga empleyado ngunit kabisado ang pasikut-sikot sa pagkuha ng driver’s license.


Ngunit dahil patuloy naman ang pagsisikap ng LTO na maalis ang fixer sa kanilang mga tanggapan ay ang social media na ngayon ang ginagamit ng mga sindikato para mag-alok ng serbisyo para magkaroon ng lisensya ang gustong magkaroon na hindi na dadaan sa tamang proseso.


Ang nakapagtataka may ilang nag-aalok ng driver’s license online na totoo naman ang iniaalok na serbisyo dahil sinusunod naman nila ang proseso na dapat mayroong student permit at sila na ang bahala sa lahat ngunit inaabot ng P5,000 hanggang P7,000 ang bayad para sa non-professional driver’s license.


May ilan tayong kababayan na pumatol online ay hindi na kumuha ng eksaminasyon sa LTO, hindi sumailalim sa medical examination, wala nang actual driving at pinadala na lamang online ang kanilang 1x1 picture at nagkaroon na sila ng tunay na driver’s license, ngunit mas mahal ang ganitong serbisyo.


Pero ang sinasabi ko ay may umiiral talagang ganitong sistema na posibleng may ilang empleyado ng LTO ang nakikipagsabwatan para makapag-deliver ang mga nag-aalok ng lisensya online—kumbaga ang mga fixer ay hindi na nakakalat sa mga opisina ng LTO.


Sa isang banda ay may mabuti rin namang dulot dahil kahit mahal ay hindi naman sila nanloloko dahil ang hangad lang ng mga fixer online ay kumita gamit ang mga kasabwat nila sa loob ng LTO at karamihan sa kanilang kliyente ay may bagong biling motorsiklo.


Kaya lang ay suwerte-suwerte lang ang pagkuha ng lisensya online dahil sa mas marami ang nagiging biktima ng panloloko at pekeng driver’s license ang nakukuha nila—na nalalaman lamang nilang peke kapag nahuli na sila.


Replika o katulad na katulad ng orihinal na lisensya ang karaniwang gamit ng mga manloloko at kung hindi naman eksperto ang titingin ay mapagkakamalang tunay dahil good quality ang materyales na umano’y gawa sa kahabaan ng Recto.


Karaniwang nabibili sa Recto ang pekeng driver’s license, pekeng rehistro ng sasakyan at pekeng traffic violation ticket na ginagamit naman ng mga tsuper na walang lisensya para makapamasada ng pampasaherong sasakyan.


May mga traffic enforcer na kulang talaga ang kaalaman para madetermina kung peke o hindi ang driver’s license, ngunit kapag operatiba ng Philippine National Police (PNP), Metro Manila Development Authority (MMDA) o LTO ang nakahuli sa may paglabag sa trapiko ay kayang-kaya nilang tukuyin ang peke.


Kaya mga ‘kagulong’ mag-ingat sa pagkuha ng lisensya dahil kapag nahulihan kayo ng pekeng lisensya ay may multang P3,000 at hindi na kayo papayagang kumuha ng lisensya sa loob ng isang taon at mai-impound pa ang minamaheo ninyong motorsiklo.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012, GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page