ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | February 5, 2023
KATANUNGAN
Tatlong beses na akong nakakasampa at nagpapabalik-balik sa barko. Ang problema, Maestro, sa huling sampa ko ay nagkaproblema ako sa kalusugan, kaya hindi muna ako sumampa ulit. Gayunman, ngayon ay maayos na ang kalusugan ko at okey na rin ang medical check-up ko.
Kaya lang, ang tagal ko nang naghihintay at parang hindi na nila ako tatawagan. Ngayon, balak kong lumipat ng ibang shipping agency. Tama ba ang desisyon ko o mas maganda kung magtiyaga pa ako sa paghihintay? Sa katunayan, maganda ang pamamalakad dito at mas malaki ang suweldo kumpara sa ibang shipping company.
KASAGUTAN
Nagkaroon ng bahagyang Guhit ng Hadlang ang ikalawang Travel Line (Drawing A. at B. d-d, t-t arrow a. at b.) sa kaliwa at kanan mong palad. Ibig sabihin, bahagyang magkaka-aberya, maaantala o magkakaroon ng problema sa ikalawang pagtatangka mong makapag-abroad kung ikukumpara sa mga nauna na mabilis kang nakakaalis at nagiging maayos naman ang lahat.
Gayunman, huwag kang malungkot o mag-alala dahil pansamantala lang naman ‘yun kung saan ang hadlang na nabanggit ay hindi naman gaanong magtatagal. Kaya kung hindi ka pa naman naiinip, maaari ka pang maghintay ng isa o dalawang buwan sa dati mong agency o kumpanya at kung sa buwan ng Marso sa taon ding ito ng 2023, ay hindi ka pa rin nakakaalis o natawagan upang muling sumampa sa barko, wala namang masama kung lilipat ka ng ibang agency o shipping company.
Sapagkat tulad ng nasabi na, ayon sa iyong mga datos, pansamantala lamang ang pagka-delay ng iyong pagbabarko. Sapagkat tinitiyak na sa taong kasalukuyan, itatala sa iyong karanasan ang ikalawang mas maunlad at mas mabungang bugso ng sunod-sunod na pagbabarko. Gayundin, hindi ka lang isang beses makapangingibang-bansa kundi maraming-marami pa. At dahil sa mga pag-a-abroad na nabanggit, tuloy-tuloy na muling uunlad at lalago ang kabuhayan ng inyong pamilya.
DAPAT GAWIN
Albert, ayon sa iyong mga datos, maghintay-hintay ka lang hanggang buwan sa katapusan ng Marso 2023, makikita mo na sa nasabing panahon, hindi matatapos ang buwan ng tag-araw at sa edad mong 31 pataas, itatala ang ikalawang bugso at mas mabungang pangingibang-bansa sa iyong kapalaran.
Comentários