top of page
Search
BULGAR

Mas maraming supply ng bakuna, maging daan sana para sa mas maayos na kapaskuhan

@Editorial | September 03, 2021



Inaasahang magiging mas maayos at masaya ang Pasko at pagsalubong sa Bagong Taon dahil sa patuloy na pagdating ng mga bakuna.


Ayon kay National Task Force Against COVID-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez, Jr., aabot sa 137 million doses ng vaccines ang kabuuang darating sa mga huling buwan ng taong kasalukuyan.


Sa ngayon, ang Pilipinas ay nakatanggap na ng kabuuang 51,900,590 doses ng COVID-19 vaccine doses na mga binili at mga natanggap na donasyon.


Kasabay nito, dumarami na rin ang nagpapabakuna bagama’t may ibang nag-aalangan pa rin, lalo na ‘pag may nababalitang nagkaka-COVID pa rin kahit bakunado na.


Kaugnay ng pagkakaroon ng sapat nang supply ng bakuna, target namang simulan na ang pagpapalawig ng vaccine rollout sa general population at sa mga batang may comorbidities sa susunod na buwan.


Dagdag-bakuna, dagdag-sektor na mababakunahan para maiwasang masayang ang mga bakuna.


Ngayong dumarami na ang nababakunahan sa National Capital Region (NCR), dapat na rin umanong magkaroon ng pantay na distribusyon ng COVID-19 vaccines sa ibang rehiyon at probinsiya.


Bukod sa pagpapabakuna, ang palagi naman nating paalala sa lahat ay alagaan ang kalusugan. Kumain ng masusustansiya, magpahinga, matulog sa oras at mag-quit na sa masasamang bisyo. Hindi lang naman COVID-19 ang sakit na puwede nating makuha kung magpapabaya at magpapasaway, marami pa.


Huwag nating sayangin ang nag-iisang buhay. Uulitin natin, huwag nang pasaway.

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page