ni Eli San Miguel - Trainee @News | January 21, 2024
Nanawagan si AGRI Rep. Wilbert Lee sa House of Representatives na talakayin ang panukalang batas, na mag-uudyok sa gobyerno na magtayo ng mas maraming post-harvest facilities.
Ayon kay Lee, magiging tulong ang House Bill No. 3958 o ang minumungkahi na "Post-Harvest Facilities Support Act" upang mapigilan ang pag-aaksaya ng agrikultural na produkto dahil sa kakulangan ng mga post-harvest services.
Kabilang sa sinasabing post-harvest facilities ang cold storages, dryers, at mga paraan ng transportasyon para sa agrikultural na produkto.
Sa mga nakaraang pagsusuri, ipinunto ni Lee na hindi sapat ang ani na naaabot sa mga merkado dahil sa mataas na pag-aaksaya pagkatapos ng panahon ng pag-ani.
“Nakapanlulumo yung ilang beses na nating nababalitaan na kung hindi man sinisira na lang ng mga magsasaka ang kanilang produkto, ay bumibiyahe pa sila nang napakalayo at ibinebenta na lang ang ani nang palugi kesa mabulok,” pahayag ng mambabatas ngayong Linggo.
“Ang suporta ng gobyerno, hindi dapat natatapos sa pagtatanim, dapat tuloy-tuloy ito hanggang sa anihan at paghahatid ng produkto sa merkado at mga consumers,” dagdag ni Lee.
Noong una, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na nasa 12.7 porsiyento hanggang 15 porsiyento ng produksyon ng palay ang nawawala dahil sa kakulangan ng mga post-harvest facilities.
Dagdag pa niya, kailangan ng kabuuang P93 bilyon upang magtayo ng mga pasilidad at maiwasan ang pag-aaksaya ng mahahalagang agrikultural na produkto.
Comments