top of page
Search
BULGAR

Mas maraming inmates ang magiging happy ngayong Pasko at Bagong Taon

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 18, 2024



Boses by Ryan Sison

Siguradong mas maraming inmates ay magiging masaya na ipagdiriwang ang Kapaskuhan at pagsalubong sa Bagong Taon.


Kinumpirma kasi ng pamunuan ng Department of Justice (DOJ) na posibleng umabot sa mahigit siyam na libong persons deprived of liberty (PDL) ang mapalaya dahil sa bagong Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Revised Penal Code.


Ito ay matapos na pirmahan ng DOJ at ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang IRR.


Ayon sa DOJ, layunin nito na mabigyan ng mas masusing pagrebyu sa lahat ng mga datos o profile ng PDLs upang magawaran naman sila ng maagang paglaya. 


Base sa nilalaman ng bagong IRR, maaari nang mabigyan ng maikli o pinaigsing sentensya ang mga bilanggo sa ilalim ng pagpapatupad ng Good Conduct Time Allowance.


Sa pagtaya naman ng DOJ, Bureau of Corrections (BuCor), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ang nasabing bilang ng mga inmate ang maaaring magawaran ng parole dahil sa kabutihang asal na ipinakita ng mga ito sa loob ng piitan. 


Batay sa datos, pumalo na sa 350 porsyento ang bilang ng nabawas sa jail congestion nationwide dahil sa mga programang ipinatupad ng gobyerno para mapaluwag ang mga bilangguan sa bansa.


Mainam at binigyang pansin din ng pamahalaan ang ating mga kababayang inmates para tingnan ang kanilang kalagayan, kung sila ba ay pupuwede nang palayain. 


Marami sa kanila ang napagsilbihan na rin naman ang kanilang sentensya mula sa nagawang pagkakasala habang ang iba ay nagpakabuti sa loob ng piitan at nagbagong buhay, kaya marapat na bigyan sila ng pagkakataon na lumaya at makapiling ang kanilang pamilya lalo na ngayong Kapaskuhan.


Hiling lang natin sa mga kababayang inmate na magtuluy-tuloy na sana ang kanilang pagbabago at iwasan ang anumang masamang gawain, habang pairalin ang kabutihan sa puso at isip, maging kagandahang asal nang sa gayon ay hindi na sila bumalik pa sa kulungan.


Alalahanin din lagi na mas mabuting malaya tayo at nakakasama ang pamilya kaysa mabilanggo ng ilang taon at pagdusahan ang nagawang kasalanan.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comentários


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page