ni Jasmin Joy Evangelista | December 10, 2021

Humihiling ang Department of Information and Communication Technology (DICT) sa lahat ng lokal na pamahalaan na magtalaga pa ng maraming encoder para agad na mailagay ang impormasyon para sa mas mabilis na proseso sa pagkuha ng VaxCertPH.
“Patuloy po ang panawagan namin sa mga LGUs na in as much as naglalaan sila ng mga sapat na tao sa mga vaccination, and we are thankful for that, kailangan kasama sa vaccination team ang encoders sa dulo at kailangan ma encode agad on that day or even on the following day nang sa ganun yung mga nagrerequest ng mga vaccination certificate ay makukuha nila,” pahayag ni DICT Undersecretary Manny Caintic.
Aniya pa, mahalaga na tama ang mga impormasyong ie-encode lalo na kung may Jr. o Sr. sa pangalan.
Marami naman daw mga lungsod sa National Captal Region ang maganda ang performance at nakakasunod nang maayos sa pag-encode sa database ngunit ang Quezon City ay kailangan pang maghabol sa pag-e-encode ng mga impormasyon.
“Ang vax cert important siya lalo na sa international travel kasi kinikilala na siya. Sa local, may ilang mga probinsiya gusto na rin na yang pruweba like in the province of Bohol, which is really admirable,” ani Caintic.
Samantala, bagaman may mga lugar na sa bansa na nais gawing travel requirement ang vax cert, iginiit ni Caintic na sapat na ang vaccination card bilang katunayan ng pagkakabakuna.
Comments