top of page
Search
BULGAR

Mas maluwag na travel protocols, oks sa ekonomiya pero dapat safe

ni Ryan Sison - @Boses | July 06, 2021



Niluwagan na ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang mga panuntunan sa interzonal travel para sa mga fully-vaccinated person kung saan kabilang dito ang mga senior citizens.


Base sa IATF Resolution 124-B, maaaring ipakita na lamang ng interzonal travelers na fully vaccinated ang kanilang COVID-19 vaccination proof imbes na ang kanilang COVID-19 test results.


Maikokonsidera na fully vaccinated ang isang tao, dalawang linggo matapos matanggap ang ikalawang dose ng bakuna at kapag ang bakuna ay mayroong emergency use authorization o Compassionate Sspecial Permit (CSP) ng Food and Drug Administration (FDA) o mula sa Emergency Use Listing ng World Health Organization (WHO).


Samantala, kung walang vaccination card ay maaaring ipakita ang certificate of quarantine completion na mula sa Bureau of Quarantine. Gayunman, lahat ng bumabiyahe ay kailangan ding sumailalim sa health and exposure screening protocols pagdating sa kanilang destinasyon.


Sa totoo lang, good news ito para sa mga kababayan nating fully vaccinated at nais nang mamasyal sa iba’t ibang panig ng bansa. ‘Yun nga lang, bago ito ipatupad, may ilan tayong paalala at karadagang pag-iingat na dapat pa ring gawin.


Kung noon ay RT-PCR test result ang napepeke para makalusot sa checkpoint, dapat ngayon ay matiyak na lehitimo ang mga dokumentong ipakikita ng mga turista.


Mahirap kasi ‘yung sinisikap nating mapayagan ang mga nais mamasyal at mapagalaw ang ekonomiya, pero may mangilan-ngilan na sadyang pasaway.


Kaya panawagan sa mga kinauukulan, tiyaking hindi maaabuso ang pagluluwag na ito dahil ‘pag nagkataon, baka ito pa ang maging sanhi ng hawaan. Tandaan na hindi pa rin 100% ligtas sa banta ng COVID-19 ang mga fully vaccinated dahil posible pa ring tamaan ng sakit ang mga ito.


Pakiusap sa mga nais bumiyahe, maging responsible at iwasang magpasaway.


‘Wag ninyong kalimutan na ang pagpunta sa iba’t ibang lugar sa panahon ng pandemya ay may kaakibat na obligasyon.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page