top of page
Search
BULGAR

Mas malinaw na panuntunan ‘pag pinayagang lumabas ang mga bata, plis lang!

ni Leonida Bonifacio Sison - @Boses | February 16, 2021



Matatandaang Oktubre 2020 pa lang, pinapayagan na ng Resolution 79 ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) ang mga batang nasa edad 15 hanggang 17 na lumabas ng bahay, ngunit agad itong pinalagan ng Metro Manila Council (MMC).


Ngunit matapos ang ilang buwan, aprub na sa mga alkalde ng National Capital Region (NCR) ang paglabas ng mas maraming tao, partikular ang mga menor-de-edad sa gitna ng pandemya.


Paliwanag ng MMC chairman at Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, planong gawin ng mga lokal na pamahalaan ang hakbang na ito upang muling buhayin ang ekonomiya na lubhang naapektuhan ng pandemya.


Kamakailan, inirekomenda ng IATF-EID ang pagluluwag ng quarantine restrictions para sa mga batang nasa edad 10 hanggang 14 sa mga lugar na nasa ilalim ng modified general community quarantine (MGCQ), ngunit agad itong tinutulan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil pa rin sa banta ng COVID-19.


Kung tutuusin, kailangan na talagang umusad ng ekonomiya kahit patuloy na nananalasa ang pandemya, pero ang hamon ay kailangang matiyak na hindi makaaapekto ang planong pagpayag na lumabas ang ilang menor-de-edad sa pagsirit ng kaso ng COVID-19 sa bansa.


Isa pa, kung talagang papayagang makalabas ang mga bata, tiyaking magkakaroon ng malinaw na panuntunan tulad ng mga lugar na puwedeng puntahan at kung kailangan ng guardian o magulang. Baka kasi ang ending, alam lang nilang puwedeng lumabas, pero hindi nauunawaan ang iba pang bagay na bawal at puwede.


Gayundin, hinihikayat natin ang mga lokal na pamahalaan na ipagpatuloy ang paghihigpit sa mga health protocols, lalo pa ngayong muli nang binuksan ang ilang industriya sa mga lugar na nasa general community quarantine (GCQ) kabilang ang Metro Manila.


Paalala rin sa mga magulang, oras na maisapinal ang pagluluwag na ito, ‘wag nating kalimutan ang ating obligasyon sa ating mga anak. Hindi porke pinayagang makalabas, larga na lang nang larga ang mga bagets at ‘pag napahamak, sino ang sisisihin, ang gobyerno?


Tandaan, tayo ang responsable sa bawat kilos ng ating mga anak at hindi ang ibang tao.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni LEONIDA BONIFACIO SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page