top of page
Search
BULGAR

Mas malawak na pagresolba sa teenage pregnancy, napapanahon na

ni Sonny Angara @Agarang Solusyon | February 11, 2023


Tayong mga magulang, isa sa mga madalas nating ipaalala sa mga anak natin ay mag-aral muna nang mabuti at huwag maging mapusok para maiwasan ang maagang responsibilidad bilang magulang. Ito ang ipinapayo natin, lalo na sa mga anak nating babae.


Nakakalungkot na sa kabila ng pag-iingat nating ito, nangyayari pa rin ang mga ‘di dapat mangyari at sa murang edad, napapasok sa maagang pagdadalantao ang ating mga dalagita.


Sa ulat ng Philippine Statistics Authority (PSA), bagama’t bumaba ang pangkalahatang datos ng early pregnancies sa mga kabataang may edad 15 hanggang19, mas nakakabahala naman na mas mataas na ngayon ang bilang ng mga batang may gulang na 10 hanggang 14 na nagbubuntis.


Nakakabahala na kung hindi ito bibigyan ng kaukulang pansin ng gobyerno at ng mga kinauukulan, posibleng mauwi ito sa mas nakakaalarmang estado.


Nabatid sa ulat ng PSA na karamihan sa mga kasong ito, mas matanda nang mula tatlo hanggang limang taon ang mga lalaki kaysa mga batang babae na kanilang nabuntis.


At kung nakakaalarma ang datos na ito, mas nakakabigla na mas tumataas ngayon ang bilang ng mga batang may edad 10 hanggang 14 na nabubuntis ng mga lalaking mas matanda sa kanila nang hanggang 10 taon o higit pa. Sa pagtatasa ng PSA, 6% hanggang 7% taun-taon ang antas nito mula 2016 hanggang 2020.


Matagal na nating problema ang teenage pregnancies, pero mas nakakatakot na mas matatandang lalaki ang responsable sa maagang pandadalantao ng mga batang babae.


Hindi katanggap-tanggap na ang isang 10 taong gulang na batang babae ay galawin at mabuntis ng lalaking mas matanda sa kanya ng l0 years o higit pa!


Ayon pa rin sa report ng PSA, noong 2020 pa lamang ay nakapagtala na tayo ng 2,113 births ng mga batang 10 hanggang 14 taong gulang. At noong 2021, tumaas pa ito sa 2,299, base naman sa ulat ng Department of Health (DOH), mula 2016, patuloy sa pagtaas ang bilang nito.


Nakapanlulumo. Hindi ito dapat binabalewala. Sinasagasa dapat natin ang mga ganitong usapin dahil kaawa-awa ang mga bata. Unang-una, hindi handa ang kanilang katawan sa ganitong karanasan, kaya malaking panganib sa kanilang kalusugan ang maagang panganganak. Pangalawa, nasisira ang kanilang kinabukasan. Kadalasan, sa mga kabataang babae na maagang nasusuong sa ganitong responsibilidad ay humihinto sa pag-aaral, dahilan upang hindi na rin mapaunlad ang kanilang pamumuhay.


Sa ilalim ng administrasyong Duterte, inaksyunan na ang problemang ito, kaya hiling lang natin sa kasalukuyang liderato, mas palawakin pa ang hakbang sa paglutas sa mga kaso ng early pregnancies. Kailangan dito ang ‘whole-of-government approach’ para masiguro nating maililigtas ang mga kabataang babae sa panganib at matulungan silang maibalik sa maayos na estado.


 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa  AGARANG SOLUSYON ni Sonny Angara, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa agarangsolusyon.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page