ni Ronalyn Seminiano Reonico | November 19, 2020
Mararanasan ng ilang lugar ang mas mahabang water interruption, ayon sa Maynilad Water Services Inc.. Pahayag ng Maynilad ngayong Huwebes, “Sinimulan na namin kagabi ang pagpuno ng tubig sa isang basin ng La Mesa Treatment Plant matapos itong matanggalan ng naipong sludge o putik.
Ngunit dahil patuloy pa rin ang pagpasok ng turbid water mula sa Ipo Dam, hindi pa namin maabot ang target water production. “Ito ang dahilan kaya ang mga customer na nasa matataas na lugar ay nakakaranas ng mas mahabang water interruption kumpara sa inanunsiyong schedule.”
Kahapon, November 18 ay naglabas ng advisory ang Maynilad na mawawalan ng suplay ng tubig ang ilang lugar hanggang November 24. Samantala, saad naman ng Maynilad,
“Nagsasagawa na ng system adjustment ang aming technical team upang ma-address ang nasabing concern. Dinagdagan din namin ang water tankers na nag-iikot sa nasabing mga lugar, at nakikipag-ugnayan kami sa mga LGU at local fire bureau upang makatulong sa pag-deliver ng tubig.”
Maaaring tumagal nang 12 hanggang 16 oras ang water interruption. Sa Manila, mararanasan ang water interruption simula 4 AM hanggang 4 PM; sa Malabon at Navotas naman ay simula 4 AM hanggang 5 PM; at 4 AM hanggang 7 PM naman sa Pasay, Parañaque at Makati.
Mawawalan din ng suplay ng tubig sa Bacoor, Imus, Kawit, Noveleta at Cavite City simula 6 AM hanggang 4 PM. Simula 6 AM hanggang 6 PM naman sa Quezon City, Las Piñas at Valenzuela. Mararanasan din ang water interruption sa Muntinlupa simula 10 PM hanggang 5 AM at sa Caloocan simula 4 PM hanggang 5 AM.
Comments