top of page
Search
BULGAR

Mas mabilis na rehistro at renewal ng lisensya, wala pang pila

ni Atty. Rodge Gutierrez - @Mr. 1-Rider | October 8, 2022


Tila nakatsamba ang pamunuan ng Land Transportation Office (LTO) sa proyekto nilang LTO-On-Wheels na nagsimula lamang sa dalawa, ngunit dahil sa napakagandang feedback ay plano na itong gawing lima sa lalong madaling panahon.


Hindi inakala ng pamunuan ng LTO na maraming tanggapan ng pamahalaan ang nagre-request na madala na rin sa kanilang lugar ang mobile one-stop-shop ng LTO upang mas madaling makapagparehistro ng sasakyan o makapag-renew ng kani-kanilang lisensya.


Napakaganda ng proyektong ito dahil sa pamamagitan nito ay hindi na kinakailangang bumiyahe pa ng aplikante dahil nasa kanilang mismong lugar na at higit sa lahat ay hindi na sila magdurusa sa haba ng pila sa mismong mga tanggapan ng LTO.


Nitong nakaraang buwan ay umarangkada ang LTO-On-Wheels sa loob ng Camp Karingal upang bigyan ng mabilis na serbisyo ang mga police personnel na lahat ay tuwang-tuwa dahil nakatipid na sila gasolina o pamasahe ay nakatipid pa sila sa oras.


Kasama sa mga ipinoproseso ng LTO-On-Wheels ang aplikasyon sa renewal ng rehistro ng motorsiklo at iba pang sasakyan, student permit, renewal ng driver’s license, renewal without penalty at conversion ng paper license para maging card.


Standard ang ipinatutupad na bayad ng LTO at walang karagdagang kahit anong gastos at higit sa lahat at direkta ang gagawing transaksyon sa kanilang tauhan at walang pasaway na pakalat-kalat para makialam sa mga aplikante.


Malaki ang hakbang ng LTO dahil bukod sa mapapalapit ang serbisyo sa publiko ay mawawalan na rin ng pagkakataon ang mga ‘fixer’ na pakalat-kalat sa ilang tanggapan ng LTO dahil sobrang bumilis ang proseso.


Medyo may kataasan ang bilang ng mga nagmamaneho ng motorsiklo ang walang lisensya, lalo na sa mga probinsya dahil marami ang andap na magtungo sa tanggapan ng LTO dahil sa pag-aakalang mahirap ang proseso.


Pero dahil sa LTO-On-Wheels ay malaking porsyento sa ating mga ka-motorsiklo sa mga probinsya ang hindi na mahihirapang kumuha ng student permit upang magkaroon ng lisensya kung sakaling umabot na ang kanilang operasyon sa mga lalawigan.


Bukas ang tanggapan ng LTO sa mga nais madala ang LTO-On-Wheels sa kani-kanilang lugar dahil maaaring mag-request ang mga barangay captain o kahit anong ahensya ng gobyerno para makapagbigay ng serbisyo.


Ang kailangan lang naman ay tiyaking maayos ang parking space para sa bus ng LTO at makapag-provide ng at least 10mbps na internet connection upang maiproseso ang requirements ng mga aplikante at puwedeng pag-usapan kung ilang araw mananatili ang LTO-On-Wheels sa inyong lugar.


Ganito naman si Mr.1-RIDER, hindi naman tayo puna lang nang puna dahil tinutulungan naman natin ang kahit sino o anumang ahensya ng pamahalaan na gumagawa ng maayos, tulad ng kapuri-puring LTO-On-Wheels.


Pero hindi rin natin sasantuhin ang mga gumagawa o sangkot sa mga anomalya dahil kapag may nagreklamo ay wala tayong magagawa kung hindi ang ibulgar ang katotohanan.


Kaya walang pikunan kung mayroon kaming masasagasaan dahil tiyak na hindi namin ito sinasadya pero kung may inagrabyado kayo sa ating mga kababayan lalo na sa aking mga ka-motorsiklo ay tiyak na may paglalagyan kayo.


Sa LTO, huwag kayong magplano na gawing lima ang inyong LTO-On-Wheels dahil mas maganda kung gawin n’yo na itong sampu para mas marami ang matulungan, lalo na sa probinsya.

 

SA MGA NAIS MAKIPAG-UGNAYAN, MAG-KOMENTO, MAGSUMBONG O MAGSAMPA NG REKLAMO AY MAAARING TUMAWAG SA SMART-09063043012 , GLOBE -09567289931 O MAG-EMAIL SA Mr1Rider@1riderpartylist.com O SUMULAT SA MR. 1-RIDER, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City, AT ASAHAN NINYONG AGAD KAMING TUTUGON.

0 comments

Commentaires


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page