top of page
Search
BULGAR

Mas mabilis matuto ang kabataan sa wika na kanilang nauunawaan, period!

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 28, 2021



Naghain ang inyong lingkod ng resolusyon para suriin ng Senado ang pagpapatupad ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) o “mother tongue” policy na mandato sa ilalim ng K to 12 Law o ang Republic Act No. 10533.


Sa ating inihaing Senate Resolution No. 610, nais nating masuri kung epektibo ba ang paggamit sa MTB-MLE sa sistema ng edukasyon sa Pilipinas mula nang ipatupad ito noong 2012. Ilan sa mga nakitang hamon sa programa ang kakulangan ng mga textbooks na nakasulat sa mother tongue, pati na rin ang kakulangan ng pagsasanay ng mga guro sa paggamit ng mother tongue sa pagtuturo.


Malaki ang kinalaman ng wika o language upang matuto talaga ang mga bata. Ayon sa 2018 Programme for International Student Assessment (PISA), 94% ng mga estudyanteng nakilahok dito na nasa edad 15 ay gumagamit sa bahay ng lengguwaheng iba sa ginamit na medium of instruction sa mismong assessment. Pumapangalawa ang Pilipinas sa Lebanon na may 98%. Kung matatandaan natin, nakakuha ng mababang marka ang ating mga estudyante sa naturang global assessment.


Mas mabilis matuto ang kabataan sa wika na kanilang nauunawaan. Ang epekto nito ay makikita sa kanilang self-esteem upang lalo silang maengganyo sa pag-aaral.


Sa pagpapatupad ng programang K to 12, ang katutubong wika o ang pangunahing wika ng mga mag-aaral ang gagamitin sa pagtuturo, mga teaching materials at assessment mula Kindergarten hanggang sa unang tatlong taon ng edukasyon sa elementarya. Sa pamamagitan ng language bridge program, sisimulan ang paggamit ng Filipino at English mula Grade 4 hanggang Grade 6. Sa high school naman, ang dalawang wikang ito ang magiging pangunahing mga wika para sa pagtuturo.


Bagama’t maganda ang layunin ng mother tongue policy sa ilalim ng programang K to 12, nakita natin na may mga hamon sa ating kakayahan at kahandaan na ipatupad ito. Ang nakasalalay dito ay ang kalidad ng edukasyon na natatanggap ng ating mga mag-aaral, kaya ang kailangan dito ay masusing pag-aaral upang malaman natin kung paano ba talaga matutugunan ang mga kakulangan ng naturang programa.

 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

留言


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page