top of page
Search
BULGAR

Mas mabigat na parusa sa mga sangkot sa ‘online baby selling’

ni Ryan Sison @Boses | Dec. 6, 2024



Boses by Ryan Sison

Kung sa inaakala natin na napigilan na ang tinatawag na “online baby selling”, hindi pa pala dahil may muntik na uling mabiktimang sanggol ng mga kawatan.

Isang 7-buwang gulang na baby na ibinebenta sa halagang P35,000 sa social media ang nasagip ng pulisya sa Rizal. 


Ayon sa mga otoridad, ibinenta ng suspek ang sanggol sa isang undercover agent sa pamamagitan ng legal adoption chat group. Isang operasyon naman ang isinagawa noong November 6 para iligtas ang baby, kung saan agad ding naaresto ang suspek.


Sinabi ni National Authority for Child Care (NACC) Undersecretary Janella Estrada na hindi katanggap-tanggap at nakababahala ang online baby selling dahil sa hindi nakasisiguro kung napupunta ang bata sa mabuting kamay lalo na sa panahong seryosong usapin ang online child sexual abuse, trafficking in person, organ donation at iba pang uri ng exploitation o pagsasamantala. 


Matatandaang noong May ng taong ito, anim na bata na ang nailigtas ng mga otoridad dahil sa karagdagang mga surveillance, 14 na Facebook group at accounts na sangkot sa ilegal na bentahan ng mga sanggol at ilegal na pag-aampon ang tinanggal na.


Pahayag naman ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Assistant Secretary Irene Dumlao, tinitiyak din nila na mai-report ang mga ito sa mga law enforcement agency para ma-track down ang mga nasabing grupo at maparusahan ang mga may kagagawan nito.


Aniya pa, bukod sa pag-aalaga sa mga nasagip na mga bata, nakikipag-ugnayan na rin

ang DSWD sa mga magulang ng mga ito.


Hindi talaga tumigil ang mga walang konsensyang kawatan at sinubukan uli ang ganitong uri ng masamang gawain.


Mabuti na lang at hindi natuloy ang bentahan dahil nailigtas ang baby sa tiyak na kapahamakan.


Hindi ba may mga batas naman tayo patungkol dito, pero bakit tila hindi natatakot ang mga masasamang-loob na ito na lumabag at ginagawang magbenta pa rin ng mga bata gamit ang online.


Dapat siguro ay mas mabigat na parusa ang ipataw sa mga mapapatunayang salarin, gaya ng pagkakakulong ng 15 hanggang 20 taon at pagmultahin din ng daan-daang libong piso o kahit na iyong mga sangkot lamang, upang magtanda at hindi na ulitin pa ang ganyang klase ng krimen.


Sa kinauukulan, huwag sanang mapagod at tumigil sa pagtugis sa mga kriminal na ito nang sa gayon ay mapagbayad sila sa kanilang mga kasalanan.   


At para sa mga kababayan nating pinagbabalakan na ibenta ang kanilang mga anak na posibleng dahil sa hirap ng buhay ay huwag na itong gawin, habang pairalin ang ating konsensya. Isipin sana natin na isang malaking kasalanan ito hindi lang sa ating batas, kundi mas higit sa Poong Maykapal. 


Lagi rin sana nating alalahanin na ang ating mga anak ay nagmula sa Kanya at biyayang ibinigay sa atin para alagaan at mahalin.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page