by Info @Editorial | Mar. 26, 2025

Laganap pa rin ang pagbili ng registered SIM cards na ginagamit sa scam at iba pang ilegal na gawain.
Ang mabilis na pagdami ng mga kaso ng online scams at iba pang anyo ng cybercrime ay nagiging dahilan ng pagkawala ng tiwala ng mga tao sa digital na mundo, lalo na't ang mga ito ay kadalasang nagmumula sa mga SIM card na rehistrado sa pangalan ng iba.
Matatandaang ipinasa ang batas na nag-oobliga sa telcos na irehistro ang bawat SIM card bago ito magamit.
Ang layunin ng batas ay mapigilan ang mga masasamang-loob na gamitin ang anonymity ng mga hindi rehistradong SIM cards upang magsagawa ng mga ilegal na aktibidad, gaya ng text scams, online fraud at identity theft.
Sa kabila ng mga hakbang na ito, patuloy na dumadami ang mga naaapektuhan ng scam.
Isa sa mga ugat ng problema ay ang pagbebenta ng mga registered SIM cards. Sa ilang pagkakataon, may mga indibidwal na nagbebenta ng SIM cards na nairehistro sa mga pangalan ng ibang tao, o kaya naman, iniistampahan ito ng mga pekeng impormasyon upang magamit sa masasamang layunin.
Sa ganitong paraan, nakakalusot ang mga scammer sa mga sistema ng telco.
Kaya madalas pa rin tayong nakakatanggap ng text messages o tawag na naglalaman ng pekeng impormasyon, gaya ng mga phishing links, maling alok ng negosyo o hindi otorisadong mga promosyon.
Ang isa sa maaaring solusyon ay ang mas mahigpit na pagpapairal ng mga regulasyon sa SIM card registration at ang pagbibigay ng mas matinding parusa sa bumibili at nagbebenta ng rehistradong SIM cards.
Comments