top of page
Search
BULGAR

Mas mababang buwis para sa mga pribadong paaralan, malaking tulong ngayong pandemya

ni Kuya Win Gatchalian - @Win Tayong Lahat | January 13, 2022



Sa gitna ng matinding pinsalang dulot ng COVID-19, malaking bagay ang paglagda sa batas na magpapataw ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan — ang Republic Act No. 11635 na inaprubahan ng pangulo noong Disyembre 10, 2021.


Sa ilalim ng bagong batas, muling inamyendahan ang Section 27 (B) ng National Internal Revenue Code of 1997 upang pababain ang preferential tax rate sa mga pribadong paaralan o proprietary educational institutions. Ang dating 10 porsiyentong buwis ay magiging isang porsiyento na lamang sa loob ng tatlong taon.


Bagama’t nakasaad sa batas na nananatiling sampung porsiyento ang buwis sa taxable income ng mga pribadong paaralan, ang isang porsiyentong buwis ay nakatakdang ipataw mula Hulyo 1, 2020 hanggang Hunyo 30, 2023.


Sa ilalim ng naturang batas, ang mga proprietary educational institutions ay mga pribadong paaralan na pinatatakbo ng pribadong indibidwal o grupo. Kinakailangang meron ding permit to operate ang naturang mga paaralan mula sa Department of Education (DepEd), Commission on Higher Education (CHED) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA).


Nililinaw at binibigyang-diin nitong bagong batas ang intensiyon ng Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises Act (CREATE) na magpataw ng mas mababang buwis sa mga pribadong paaralan. Matatandaang inilabas ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang Revenue Regulation No. 5, kung saan nakasaad na ang mga paaralang proprietary at non-profit lamang ang maaaring mapatawan ng mas mababang buwis. Para sa mga paaralang hindi pasok sa ganitong depinisyon, kinakailangan nilang magbayad ng 25 porsiyentong buwis o katumbas ng 150 porsiyentong pagtaas.


Ang mas mabigat na buwis ay kinatatakutang magresulta sa pagsasara ng mas maraming paaralan at pagkawala ng mas maraming trabaho. Maaari ring mapagkaitan ang mas maraming mag-aaral ng de-kalidad na edukasyon dahil dito. Lumalabas sa datos ng DepEd na dahil sa pandemya, bumaba ng halos isang milyon ang enrollment sa mga pribadong paaralan, mahigit 600,000 mag-aaral ang lumipat sa mga pampublikong paaralan at mahigit 400 ang nagsuspinde ng operasyon o nagsara.


Dahil sa matinding pinsalang dulot ng pandemya sa mga pribadong paaralan, higit nilang kinakailangan ang lahat ng uri ng suporta mula sa pamahalaan. Kaya naman, napapanahon ang batas na magbabawas sa kanilang buwis hanggang sa 2023, upang tulungan silang makabangon at maipagpatuloy ang paghahatid ng de-kalidad na edukasyon sa kabataan.


Bilang chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, co-author at co-sponsor ng bagong batas, nagpapasalamat ang inyong lingkod sa ating mga kapwa mambabatas na sina Senador Sonny Angara na pangunahing may akda ng naturang batas at Senador Pia Cayetano na co-sponsor din nito.


 

May katanungan ka ba, reklamo o naisihingi ng tulong? Sumulat sa WIN TAYONG LAHAT ni Kuya Win Gatchalian, BULGAR Bldg., 538 QuezonAve., Quezon City

o mag-email sa surewin.bulgar@gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page