top of page
Search
BULGAR

Mas maayos, ligtas at maginhawang buhay para sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino

ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 22, 2022


May mga magulang ng kabataang Pilipino na lumalapit sa atin para humingi ng tulong na maipasok sa drug rehabilitation center ang kanilang anak na nalulong sa ilegal na droga. Ramdam natin kung gaano kasakit para sa kanila na makitang nasisira ang buhay ng kanilang anak dahil sa masamang bisyo.


Marami tayong nasaksihang ganitong sitwasyon. Sa naging kampanya ni Pangulong Rodrigo Duterte kontra droga ay nakita mismo ng ating mga mata kung paano nasira ang mga pamilya dahil sa bisyong ito — na may mga nawalan ng direksyon sa buhay at naging sanhi rin ng katiwalian at kriminalidad.


Kaya kapag bumibisita tayo sa mga komunidad, palagi nating ipinapayo sa kabataan na umiwas sa droga at sa halip ay ibuhos ang kanilang oras sa eskuwela at iba pang produktibong gawain tulad ng sports. Namimigay tayo ng mga sapatos, bola at iba pang kagamitan para maengganyo sila, lalo na lumahok sa mga larong pampalakasan.


Bukod pa ang ating adbokasiya na magkaroon ang pamahalaan ng mas maayos na drug rehabilitation centers sa iba’t ibang sulok ng bansa. Naniniwala tayo na dapat pangalagaan ang karapatan ng bawat Pilipino na mabuhay ng matiwasay kasama na ang mga naligaw ang landas na nais namang magbagong buhay.


Ginagawa rin nating halimbawa sa kabataan ang ating mga sports icons tulad ni Carlos Yulo na kamakailan ay nakasungkit na naman ng tatlong medalyang ginto sa 9th Senior Artistic Gymnastic Championships na ginanap sa Doha, Qatar.


Sa pagpapalaganap ng pangmatagalang sports development, hindi lang natin mailalayo ang kabataang Pilipino sa droga, humuhubog din tayo ng susunod na henerasyon ng mga atleta na mag-uuwi ng karangalan sa ating bansa.


Isa ito sa mga dahilan kung bakit isinulong natin ang pagtatayo ng National Academy of Sports (NAS). Matagal na nating pangarap ang sports academy na tututok sa kabataang may potensyal sa sports at magkakaloob din sa kanila ng de-kalidad na edukasyon.


Naitatag ang NAS sa ilalim ng Republic Act 11470 noong 2020 na isa ako sa may-akda at co-sponsor. Ang mga pasilidad dito ay nakabatay sa international standards, kaya hindi pahuhuli sa ibang bansa ang kalidad ng training at edukasyon na nakukuha ng mga estudyante.


Noong Hunyo 17 ay magkasama naman kaming dumalo ni Pangulong Duterte sa groundbreaking ceremony ng Philippine Sports Training Center (PSTC) sa Bagac, Bataan. Bilang Vice-Chair ng Senate Committee on Finance ay isinulong natin ang pagpopondo para sa site development at preparasyon ng Master Development Plan ng PSTC na inaasahang matatapos sa 2024.


Ang NAS at PSTC ang regalo ng pamahalaan sa ating mga kasalukuyan at sa mga sumisibol na atletang Pilipino.


Bukod sa ating layunin na mailayo ang kabataan sa droga, bilang Chair ng Senate Committee on Health ay gusto rin nating mapangalagaan ang kanilang mental health — na apektado ng pandemya, lalo pa’t hindi nila nagagawa ang kanilang mga dating aktibidad.


Kailangang mag-invest ang pamahalaan sa mental health ng mga Pilipino — lalo na ng kabataan, at ipatupad nang maayos ang Republic Act 11036 o ang Mental Health Law na nilagdaan ni Pangulong Duterte noong 2018. Sa kapasidad ko bilang Vice-Chair ng Senate Committee on Finance, isinulong natin ang pagkakaroon ng karagdagang pondo para sa implementasyon nito sa ating budget noong 2021 at ngayong 2022.


Umapela rin tayo sa Department of Health na tiyakin na ang kasalukuyang Medicine Access Program for Mental Health ay mararamdaman ng mga nangangailangan ng mental health medicines lalung-lalo na sa malalayong lugar sa ating bansa.


Patuloy ang ating pakiusap sa ating mga kababayan na hindi pa bakunado laban sa COVID-19 na magpabakuna na para sa proteksyon ng lahat at manatiling sumunod sa mga health protocols. Huwag tayong magkumpiyansa. Nariyan pa ang panganib ng virus at nakapagtatala pa rin araw-araw ng mga panibagong kaso. Magtulungan tayo at magbayanihan para tuluyan na tayong makabangon mula sa pandemya.


Umaasa tayong ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang Balik Probinsya, Bagong Pag-asa (BP2) program. Napakalaking tulong nito sa ating mga kababayan na nais nang umuwi sa kanilang probinsya at muling magsimulang. Dahil sa inisyatibang ito ay bibilis ang rural development at makalilikha ng maraming oportunidad para sa mga Pilipino sa lahat ng sulok ng Pilipinas.


Magtulungan tayo para maipaglaban ang kinabukasan ng ating mga anak. Sama-sama nating ilayo sila sa ilegal na droga, kriminalidad at iba pang masasamang bisyo. Isapuso natin na ang pagkakaroon ng mas maayos, ligtas at maginhawang bansa ang pinakamagandang maipamamana natin sa susunod na henerasyon ng mga Pilipino!

 

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.


Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page