ni Bong Go - @Bisyo Magserbisyo | June 1, 2022
Isa sa mga ipinagbilin ni Pangulong Rodrigo Duterte sa akin ay ang ipagpatuloy ang laban kontra sa ilegal na droga, pati na rin ang laban sa korupsiyon at kriminalidad. Umaasa tayo na sa pagpasok ng susunod na administrasyon ay mas mapapalakas pa ang kampanyang ito upang tuluyang mabigyan ng mas ligtas at komportableng buhay ang mga Pilipino.
Mahalaga na maipagpatuloy ang pagsugpo sa mga nasa likod ng ilegal na droga gaya ng ginagawa ng Administrasyong Duterte para masolusyunan din ang problema sa kriminalidad at katiwalian.
Sa nakita ko kasi sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte, kapag nako-contain mo ang paglaganap ng ilegal na droga, kasamang bumababa ang krimen at pati na rin ang korupsiyon. Pero ‘pag lumala na naman ang droga, kapag dumami muli ang mga gumagamit nito, bumabalik ang kriminalidad at nagiging talamak na naman ang korupsiyon kasi marami ang nasusuhulan.
Sa administrasyon ni President-elect Bongbong Marcos ay malaki ang magiging ambag ni Pangulong Duterte sa anumang kapasidad sa paglaban sa ilegal na droga. Alam naman ni Pangulong Duterte na hindi na niya panahon. Pero alam ko na hindi niya basta-basta maisasantabi ang kanyang pagmamahal at pagmamalasakit sa kapwa Pilipino.
Batay sa aking nasaksihan sa kanya bilang mayor pa noon hanggang naging presidente, hindi siya papayag na manaig ang kasamaan sa lipunan. Ang labis na inaalala kasi ng Pangulo kaya mahigpit niyang ipinagbibilin na ipagpatuloy ang laban kontra droga ay ang kaligtasan at kinabukasan ng ating mga kabataang Pilipino. Gusto niyang kahit tapos na ang kanyang termino ay patuloy silang mapapangalagaan at mapapanatili ang katahimikan at kapayapaan sa ating bansa.
Matagumpay ang naging kampanya ng Pangulo laban sa droga. Sa ilalim ng kanyang termino, ayon sa ulat ng Philippine Drug Enforcement Agency, hanggang noong Marso 2022 ay nasakote ang 14,888 high-value targets mula nang umpisahan ang drug war noong Hulyo 2016. Nakakumpiska rin ang mga awtoridad ng P88.83 bilyong halaga ng ilegal na droga sa buong bansa, kabilang ang P76.17 bilyong halaga ng shabu.
Malaking bagay ito para sa susunod na administrasyon dahil makapagsisimula sila ng termino na maayos ang kalagayan ng bansa kahit na may pandemya pa. Nakikita naman natin, ngayon ay nakakalakad na sa labas kahit anong oras ang ating mga anak nang ligtas at hindi nababastos. Dati ay takot ang tao sa mga durugista. Dahil sa Pangulo, ngayon ang mga durugista na ang dapat matakot.
Samantala, masaya akong ibalita sa inyo na makatatanggap mula sa ating Pangulo ng karagdagang insentibo ang ating mga atletang lumahok at nanalo ng medalya sa 31st Southeast Asian Games sa Hanoi, Vietnam.
Maliban doon sa ipagkakaloob sa kanila na itinakda ng ating batas, bibigyan ang ating mga atleta ng karagdagang insentibo upang mas maengganyo pa sila at iba pang mga atletang Pilipino na pagbutihin ang kanilang kakayahan sa paglahok sa mga kompetisyon.
Kung maaalala n’yo, noong nakaraang SEA Games ay ipinanukala ko rin ang karagdagang benepisyo sa ating mga manlalaro para matulungan na rin ang kanilang mga pamilya. Talaga namang nakaka-proud na napakaganda ng kanilang performance at nakapag-uwi sila ng 52 gold medals, 70 silver medals, at 105 bronze medals nitong kakatapos lang na SEA games.
Marami nang magagandang idinulot ang ating mga pagsisikap para masuportahan ang mga atletang Pilipino at mapalakas ang sports development programs sa bansa. Paigtingin pa natin lalo ito.
Taus-puso naman ang aking pasasalamat sa lahat ng mga atletang Pilipino na nagbigay ng karangalan sa ating bayan. Isang mataas na pagsaludo rin sa lahat ng mga manlalaro natin, sa kanilang mga coaches at mga trainors na naghanda sa mahabang panahon para sa palarong ito.
Ako naman, bilang Chair ng Senate Committee on Sports, patuloy ko pong susuportahan ang ating mga atleta sa abot ng aking makakaya. Noong 2020 ay naisabatas ang pagtatayo ng National Academy of Sports (NAS) sa pamamagitan ng Republic Act 11470—na ako ang may-akda at isa sa co-sponsor sa Senado hanggang maging ganap na batas. Ang NAS Main Campus ay nasa New Clark City Sports Complex sa Capas, Tarlac kung saan pwedeng hasain ang talento at kakayahan ng ating mga batang atleta habang sila ay nag-aaral.
Dapat mag-invest ang ating pamahalaan sa mga programa, tulong pinansyal at training facilities para mas ma-develop pa ang kanilang kakayahan. Nakikita naman po natin sa kanilang ipinamalas sa nakaraang mga palaro na basta malakas ang suporta ng pamahalaan ay maganda rin ang kanilang nagiging performance.
Isa ring paraan ang sports upang mailayo ang kabataan mula sa ilegal na droga at kriminalidad. Ito ay magtuturo sa kanila ng disiplina upang maging matagumpay sa buhay — anumang larangan ang kanilang tatahakin.
Sa ilalim ng Duterte Administration ay marami tayong naabot sa nakalipas na anim na taon, at higit sanang mas marami tayong naisakatuparan kung walang pandemya.
Umaasa ako sa susunod na administrasyon na mas mapapalawak pa nito ang progreso sa bawat sulok ng ating bansa.
Umaapela naman ako sa inyo na patuloy po tayong magkaisa, magbayanihan at suportahan ang papasok na bagong administrasyon para tuluy-tuloy ang pagkakamit natin ng kaunlaran.
At gaya nang sinabi ko, magbago man ang administrasyon, laging naririto ang inyong Kuya Bong Go na may malasakit at tahimik na magseserbisyo sa lahat. Ipagpapatuloy ko ang aking tungkulin sa ating mga kababayan sa abot ng aking makakaya. Titiyakin ko na sama-sama tayo at walang maiiwan na Pilipino. Hindi lamang tayo babangon, mas papalapit tayo sa inaasam na mas ligtas at komportableng buhay para sa lahat!
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments