ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | April 28, 2021
Noong nakaraang Abril 22 lamang ay ipinagdiwang natin ang Earth Day sa buong mundo bilang suporta sa pagbibigay-proteksiyon sa ating kalikasan kung saan ay nasa ika-51 anibersaryo ito ng taunang selebrasyon na may temang “Restore Our Earth”.
Akmang-akma ito sa pinakabago nating teleserye na may titulong Agimat ng Agila, isang fantasy- romance-family drama-adventure story tungkol sa mabuting asawa at ama na nakatalaga upang protektahan ang sangkatauhan at kalikasan mula sa kamay ng mga makapangyarihang kontrabida.
Halos alam naman nating lahat ang kahalagahan nang pangangalaga sa ating kalikasan ngunit sa Agimat ng Agila ay mas lalo natin itong maiintindihan at mas lalawak pa ang ating kaalaman hinggil dito nang nasisiyahan dahil sa ganda nang pagkakagawa nito.
Isa itong pelikula na sadyang ginawa para lamang sa telebisyon at mabigyan ng libreng kasiyahan ang ating mga kababayan na labis na ang pighating dinaranas dahil sa pinagdaraanan nating pandemya.
Grabe ang pagkakasulat ng istorya nito na isa sa nagtulak sa akin para makumbinsing muling magbalik sa telebisyon dahil nakapaloob sa bawat tema ang pagtalakay sa mga isyu at ang kahanga-hangang ugali ng mga Pilipino sa bawat kapana-panabik na eksena nang pakikipagsapalaran.
Gagampanan natin ang super hero journey ni Major Gabriel Labrador,
isang forest ranger na masipag, matapang at halimbawa ng mabuting Pilipino, mapagmahal, mabuting mag-isip, matatag, matiyaga, labis ang pakalinga sa pamilya, kaibigan at mga kasama sa trabaho, maging sa komunidad at maging sa kalikasan.
Ang kakaiba sa karakter ni Labrador ay isa siyang ordinaryong tao na ang kapalaran ay makagawa ng hindi ordinaryong bagay tulad ng superhero ngunit hindi rin siya perpekto at marami ring pagkukulang na lalong nagpatibay sa kaniyang pagiging ordinaryong tao.
Tinatawag namin itong multi-genre narrative na sadyang binuo para sa buong pamilya na kumpleto dahil sa tiyak na masisiyahan ang kalalakihan sa matinding aksiyon na hinaluan ng komedya, ang mga bata ay tiyak ding matutuwa dahil sa mga kamangha-manghang visual effects at ang kababaihan ay siguradong kikiligin dahil sa mga romantikong eksena.
Idagdag pa rito na makasama natin ang mga beteranong artista tulad nina Elizabeth Oropesa, Roi Vinzon at Allen Dizon; maging si Miss World Philippines Michelle Dee ay nandito at ang aking leading lady na si GMA’s Kapuso Star Sanya Lopez na grabe rin ang ipinakitang husay.
Talagang maituturing nating perfect comeback vehicle para sa akin ang Agimat ng Agila dahil bukod sa maganda ang istorya nito ay parang foreign film ang dating na kumpleto ang elemento para sa big screen.
Mula sa teknolohiyang aming ginamit, sa production value, maging sa mga malalaking action scenes na halos imposibleng maisagawa dahil sa kasagsagan ng community quarantine pero matagumpay naming naisakatuparan.
Isang malaking kasiyahan ang muli akong makabalik sa GMA para sa espesyal at napakalaking proyekto tulad ng Agimat ng Agila na pag-alala at pagbibigay pugay na rin sa aking ama na si Ramon Revilla, Sr., na gumawa ng napakaraming classic at epic films na kahalintulad nito.
Alam naman nating lahat na ang pag-arte ang ating passion at first love at ang pinaka-na-miss natin bilang aktor ay ang mga tao hindi lang sa harap ng kamera kung hindi maging ang nasa likod nito na masyadong malapit sa aking puso.
Kaya nga grabe rin ang ating paghahanda, dahil kinailangan pa nating sumailalim sa matinding pagsasanay araw-araw dahil sa kakaibang mga heavy action scene na nakapaloob dito na sinabayan pa ng world class visual effects at maging ang ating resistensiya ay pinalakas natin ng todo.
Bukod sa maganda ay masaya ang Agimat ng Agila dahil sa mga nakakatuwang eksena na isa sa mga magiging dahilan para tuluyan ninyo itong subaybayan at mas lalo pa ninyong mamahalin ang ating kalikasan.
Tayo mismo ay alam ang kahalagahan ng kalikasan ngunit mula nang gawin natin ang Agimat ng Agila ay kumbinsido tayong mas lalong pahahalagahan pa ng ating mga kababayan ang pag-iingat at paggalang sa ating kalikasan.
Mas lalo nga lamang kayong magagalit sa mga masasamang loob na sumisira ng ating kabundukan at kagubatan na posibleng hindi na abutan ng mga susunod na lahi kung hindi sila mapipigilan.
Kaya abangan sa Mayo 1, Sabado, ganap na alas-7:15 ng gabi ay ipalalabas na sa GMA 7 ang Agimat ng Agila ngunit dalawang oras bago ‘yan ay magsasagawa tayo ng Amazing Kap’s ‘Agimat ng Agila’ Gadget Giveaway sa ganap na alas-5:00 ng hapon, maraming gadgets at cash ang ipamimigay at iba pang sorpresa kaya tutok lang sa aking facebook page na https://facebook.com/bongrevillajrph bago manood ng Agimat ng Agila.
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Hozzászólások