by Info @Editorial | Feb. 20, 2025

Problema pa rin ang mga siksikang kulungan sa bansa.Ang kapasidad ng mga selda ay higit na lampas pa sa kanilang aktwal na bilang ng inmates, kaya’t nagsisilbing malaking hamon sa gobyerno at sa lipunan ang pagtugon sa ganitong sitwasyon.
Sa mga kulungan na puno, mahirap na matugunan ang mga pangangailangan ng mga bilanggo —mula sa pagkain, kalusugan, at iba pang pangunahing serbisyo. Ang overcrowding ay nagiging sanhi ng hindi pagkakapantay-pantay sa mga bilanggo, at nagiging madali para sa mga ilegal na gawain at karahasan.
Sa kabila ng mga pagsisikap ng gobyerno upang ayusin ang sitwasyong ito, ang mga solusyon ay tila hindi pa rin sapat. Sa ngayon, isa sa pinag-aaralang sagot sa siksikang kulungan ay ang konseptong ‘home imprisonment’.
Pinag-aaralan ng Bureau of Corrections (BuCor) ang posibilidad ng pagpayag sa mga indibidwal na nahatulan ng lesser offenses na isilbi ang kanilang sentensya sa kanilang mga bahay. Isa umano itong paraan para ma-decongest ang mga kulungan at mapayagan ang mga indibidwal na nahatulan ng minor offense na makasama ang kanilang mga pamilya.
Ang home imprisonment set-up ay ginagamit na sa ilang bansa sa Southeast Asia.
Masasabing ang patuloy na problema sa siksikang kulungan sa bansa ay hindi lamang usapin ng kapasidad, kundi isang malalim na isyu na may kaugnayan sa kalagayan ng ating sistema ng hustisya at karapatang pantao.
Ang mga kasong hindi pa natatapos o mga akusadong ‘di pa nahahatulan ay nagiging sanhi ng pagdami ng bilang ng mga preso. Kung ang sistema ng korte ay magiging mas mabilis at mas epektibo sa paglutas ng mga kaso, mareresolba na ang problemang ito.
Gayundin, ang pagpapalawig ng mga alternatibong parusa, gaya ng community service.
Malaking tulong din ang pag-rehabilitate sa mga bilanggo at pagbibigay ng mga programang makakatulong sa kanila para tuluyang magbagong-buhay at para ‘di na bumalik sa kulungan.
Comentários