ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | August 15, 2021
Itinumba ni 53rd seed Jersey Marticio ng Pilipinas si top-ranked American chesser Ellen Wang at tatlong iba pang mga pinapaborang kalahok upang ipagpatuloy ang panonorpresa sa ginaganap ng sagupaan sa Girls Under 14 bracket ng online FIDE World Cup Rapid Chess - Cadet and Youth Championships.
Ang dalagitang Pinay ay isang untitled entry na may 1544 rating lang samantalang si Wang ay isang Woman International Master at may 2088 na rating. Sa kasalukuyan, ang performance rating ni Marticio ay nakapako sa 2509.
Bukod sa nabanggit na panalo, tinalo rin ni Marticio sina 7th seed Kseniya Norman ng Belarus (round 2, rating: 1906), Russian 13th seed WCM Veronika Shubenkova (round 3, rating 1839) at 15th seed WCM Ashley Pang (round 4, rating 1792) mula naman sa USA. Maliban dito, hinugutan din ng buong puntos ni Marticio si Carol Ndlovu ng Zimbabwe (Zimbabwe) at Kelsey Liu (USA) para sa perpektong anim na puntos pagkatapos ng anim na rounds ng kompetisyon.
Kapag nakapasok sa top 10 si Marticio pagkatapos ng torneo ay uusad siya sa knockout rounds katulad ng narating ng tulad niya ay untitled na si Lexie Grace Hernandez sa Under-16 Girls brakcet.
Nauna rito, sa paligsahang nilahukan ng mga nasa Under 16 na kababaihan, nag-qualify sa susunod na yugto si Hernandez matapos siyang pumang-apat sa qualifying stage.
Sa torneong nilahukan ng mahigit 100 na chessers mula sa iba’t-ibang parte ng daigdig, nanorpresa rin ang 24th seed na Pinay dahil siya lang ang untitled na kalahok na nakapasok sa top 9. Kung tutuusin, ang kanyang kabuuang iskor na 8.0 puntos ay pangalawa sa pinakamataas ngunit dahil sa superior tiebreak output ng dalawang karibal na may walong puntos din ay dumulas siya sa pang-apat na posisyon.
Comments