ni Anthony E. Servinio @Sports | June 22, 2023
Laro ngayon – Ynares Sports Arena
3:00 p.m. EcoOil vs. Marinerong Pilipino
Isang mahigpitang serye ang aasahan sa paghaharap muli ng defending champion EcoOil at Marinerong Pilipino sa Game One ng seryeng best-of-three para sa 2023 PBA D League Aspirants ngayong Huwebes sa Ynares Sports Arena sa Pasig City simula 3:00 ng hapon. Nagkita ang dalawang koponan noong nakaraang taon kung saan nanaig ang EcoOil, 2-1, kaya gustong-gusto makabawi ng Skippers.
Nilasap ng EcoOil ang kanilang nag-iisang talo ngayong torneo sa kamay ng Marinero, 79-82, noong Mayo 2 matapos ang nagpapanalong three-points ni Peter Alfaro. Mula roon ay nagwagi ng anim na sunod ang EcoOil kasama ang huling dalawa sa semifinals kung saan nila tinambakan ang University of Perpetual Help System Dalta, 107-78 at 108-91.
Mas mahirap ang dinaan ng Marinero at natalo sila sa Game One ng semis kontra Wangs Strikers sa overtime, 87-93, at bumawi sa pagwalis ng sumunod na dalawang laro, 74-51 at 79-65. Tinapos ng Skippers at EcoOil ang elimination na tabla sa 5-1 panalo-talo subalit naging numero uno ang Marinero sa bisa ng panalo nila sa EcoOil.
Naniniwala si EcoOil assistant coach Gian Nazario na maaaring umabot muli ng Game 3 ang serye sa pagdalaw ng mga koponan sa Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum noong Martes sa Rizal Memorial Sports Complex. Binubuo ang EcoOil ng mga manlalaro ng De La Salle University sa pangunguna nina Kevin Quiambao at Mark Nonoy. Kinuha ng Skippers ang buong koponan ng San Beda University at aasa sa husay nina Jacob Cortez, Yukien Andrada at James Payosing.
Ang Game 2 ay gaganapin sa parehong palaruan at oras sa susunod na Lunes, Hunyo 26. Kung kailangan, ang Game 3 ay naka-reserba para sa Hunyo 29.
Comments