top of page

Marcos vs Marcos… Sigalot ng mag-utol na PBBM at Sen. Imee, lumalala na

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 9 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Apr. 30, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez

LUMALALA NA SIGALOT NG MAG-UTOL NA SINA PBBM AT SEN. IMEE KAYA MARCOS VS. MARCOS NA -- Palala nang palala ang sigalot ng magkapatid na Pres. Bongbong Marcos (PBBM) at Sen. Imee Marcos.


Pinasasampahan na kasi ni Sen. Imee Marcos ng mga kasong kriminal at administratibo ang limang opisyal ng Marcos administration na sina Justice Sec. Boying Remulla, Dept. of the Interior and Local Gov’t. (DILG) Sec. Jonvic Remulla, Special Envoy on Transnational Ambassador Markus Lacanilao, PNP Chief Gen. Rommel Marbil at Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) Director, Maj. Gen. Nicolas Torre kaugnay sa pag-aresto at pagpapakulong kay ex-P-Duterte sa International Criminal Court (ICC) jail sa The Netherlands.


Marcos vs. Marcos na ‘yan, at patunay iyan na sa mundo ng pulitika ay walang kapa-kapatid, period!


XXX


TIYAK NAGSISISI SI VP SARA SA PAKIKIPAG-TANDEM NOON KAY PBBM --Inamin ni Vice Pres. Sara Duterte-Carpio na kasama ang kanyang pangalan sa mga ipaaaresto ng ICC kapag naglabas na ito ng panibagong warrant of arrest sa mga isinasangkot sa extrajudicial killings (EJK) sa bansa.


Laking pagsisisi talaga ni VP Sara kung bakit pumayag pa siyang makipag-tandem bilang VP ni PBBM noon, kasi ipinakulong na ang ama niyang si ex-P-Duterte sa ICC jail, tapos siya ay sinampahan ng impeachment case, pinaplano pang sampahan ng kasong plunder patungkol sa misuse ng confidential funds, at ngayon napapabalita naman na siya na ang next na aarestuhin at ikukulong sa ICC jail, tsk!


XXX


TIIS MUNA SA MAHAL NA PRESYO NG BIGAS ANG MGA TAGA-MINDANAO AT LUZON -- Sa ngayon ay may P20 per kilong bigas nang ibinebenta sa Visayas region, at ayon kay Dept. of Agriculture (DA) Sec. Francisco Tiu Laurel ay posible raw na next year 2026 ay maibebenta na rin ang P20 per kilong bigas sa merkado sa buong bansa.

Kumbaga, parang sinabi na rin ni Sec. Laurel na magtiis muna o dusa sa loob ng isang taon ang mga residente ng Mindanao at Luzon sa mahal na presyo ng bigas, boom!


XXX


DAPAT DAKPIN NA ANG MANGRARAKET NG PARAÑAQUE CITY NA SI ‘LAKAY’ -- Kinukumpetensiya raw ng isang “Lakay” ang lotto ng gobyerno sa Parañaque City sa pamamagitan ng pagpapalaganap ng lotte sa lungsod.


Aba’y dapat ipahuli na agad nina Southern Police District (SPD) Director, Brig. Gen. Joseph Argeulles at Parañaque City chief of police, Col. Melvin Montante si Lakay para matigil na pangraraket nito sa Parañaque City, period!




Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page