ni Gerard Peter - @Sports | May 16, 2021
Pamumunuan ni Filipino middleweight boxer Eumir Felix Marcial ang 8-man team na sasabak sa Asian Boxing Confederation (ASBC) sa Mayo 21-Hunyo 1 sa Dubai, UAE, bilang preparasyon sa pagpasok sa huling yugto ng paghahanda para sa 2021 Tokyo Olympics sa Hulyo at 31st Southeast Asian Games sa Nobyembre.
Atras muna sa paglahok ang Pinoy boxers na kasalukuyang nagsasanay sa training camp sa Thailand National Sports Center sa Muaklek simula pa noong Marso, kabilang na ang tatlo pang sasabak sa Olympiad na sina Carlo Paalam, Nesthy Petecio at Irish Magno, dahil sa magiging problema sa quarantine rules at protocols sakaling magbalik ang mga ito sa naturang bansa upang ipagpatuloy ang pag-eensayo.
Inihayag ni Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) secretary-general Ed Picson na bumuo muna sila ng mga boksingero na mula sa 'Pinas sa pangunguna ng 25-anyos na Lunzuran, Zamboanga City-native kasama sina 2012 Qinhuangdao World champion at 5-time SEA Games gold medalist Josie Gabuco (48kgs), Maricel dela Torre (60kgs), Mark Lester Durens (49kgs), Marvin Tabamo (52kgs), Junmilardo Ogayre (56kgs), Jere Samuel Dela Cruz (60kgs), at John Paul Panuayan (64kgs).
“If they go to Dubai and go back to Thailand to resume training, mag-quarantine sila eh, so you lose whatever momentum you gain from the long training in Inspire sa Calamba in the bubble and then Muaklek in Thailand and then the tourney exposure in Dubai. Then pagbalik for about 14-days then it sets you back. Ang desisyon ng mga coaches which is their recommendation to me na ituloy na lang yung training sa Thailand and send most of the participants, including Eumir Marcial, who is in Zamboanga to the tournament,” pahayag ni Picson, Martes ng umaga sa lingguhang PSA Forum.
Sinabi ni Picson na magandang pamamaraan na makasali ang 3-time SEAG champion bago ang inaasahang pagbubukas ng Summer Olympic Games simula Hulyo 24-Agosto 8 sa Tokyo, upang makalaban niya ang ilang Asian boxers na lalaban din sa quadrennial meet.
Comments