top of page
Search
BULGAR

Marcial: No pain, no gain sa U.S. para sa asam na gold sa Olympics

ni Gerard Peter - @Sports | November 20, 2020




'Ika nga ng isang kasabihan, walang hirap, walang sarap – ito ang tila pinagdaraanan ngayon ni 2021 Tokyo Olympics-bound Eumir Felix Marcial sa kanyang ginagawang pagsasanay sa ilalim ni legendary Hall of Fame coach Freddie Roach sa Wild Card Gym sa Los Angeles, California sa U.S. upang matupad ang pinapangarap na mailap na gold medal ng Pilipinas sa Olympics.


Bukod sa sakit ng katawan na tinatanggap sa paghahanda para sa Summer Games at posibleng unang professional fight sa Disyembre, dama rin ng 25-anyos mula Lunzuran, Zamboanga City ang bigat ng kalooban sa pagpanaw ng kanyang nakatatandang kapatid na si Eliver.


Masakit man na di ko siya makita kahit na sa huling pagkakataon, mas pinili ko pa rin na magstay ako dito at matuloy-tuloy ko yung ensayo ko. Alam ko yung kapatid ko mas masaya sa akin dahil pangarap din niyang manalo ako ng Gold sa Olympics, mag-World champion ako. Mas pinili ko yung bugbugan sa training hanggang sa Olympics, mga sakripisyo na kailangan gawin ngayon,” pahayag ni Marcial, kahapon ng umaga, sa lingguhang TOPS: Usapang Sports na live hatid ng PSC, GAB at Pagcor na napanood sa Sports on Air. “Sobra talaga sakit ng katawan ko sa training dito, kase nung unang pagdating ko dito, halos mamatay-matay ako sa training nila eh, parang pagtapos ng training ang sakit ng katawan ko, tapos derecho na tulog ko. Sa tuwing gigising ako nagrequest akong magpamassage kase sobrang sakit ng katawan ko,” dagdag nito.


Lumipad patungong Los Angeles ang 2019 World Amateur silver medalist noong nakalipas na buwan upang harapin ang matinding pagsasanay kina Hall of Fame coach Freddie Roach, strength and conditioning coach Justin Fortune at Filipino protégé trainer Marvin Somodio, bilang tulong ng MP Promotions nina president Sean Gibbons at eight-division World Champion Manny “Pacman” Pacquiao sa kanyang paghahanda para sa Summer Games sa susunod na taon na nakatakda simula Hulyo 23-Agosto 8 sa Tokyo, Japan.


Nilinaw ng 3-time Southeast Asian Games gold medalist na patuloy na nakatuon ang atensyon nito, kabilang ang kanilang kampo sa Olympiad. Bagkus, ay sinabi nitong sinusunod pa rin niya ang mga amateur program na ipinapadala ni men’s boxing head coach Ronald Chavez, gayundin ang tuloy-tuloy na tulong ng Association of Boxing Alliances in the Philippines (ABAP) sa kanilang pamilya. Gayunman, humingi pa rin ito ng karagdagang suporta sa Philippine Sports Commission (PSC) sa kanyang mga gastusin at pangangailangan sa kanyang page-ensayo.


Nakikiusap naman si sir Sean sa mga gastusin at pambayad kay coach Freddie, alam naman natin na Hall of Famer yun, kaya pang-Hall of Famer din ang bayad sa kanya,” pangiting wika ni Marcial. “Sana suportahan nila ako. Nag-pro ako still Olympics pa rin ang preparation ko. Yun lang nilalagay ko sa isip. Hinihiling ko sa gusto mag-support. Kung ano yung maibabalik ko sa Olympics,” paliwanag ni Marcial.


Ayon naman umano kay PSC executive director Atty. Guillermo Iroy, nasa proseso na umano ang pagsasa-ayos ng pondo para kay Marcial at magbabase sila ng kanilang tulong sa kontrata nito sa MP promotions.


Next week may Board Meeting, last Board positive naman. The Board need only to have the proper endorsement by ABAP and humingi ang Board ng copy ng contract of Marcial to determine the extent of support of PSC to avoid technicality,” eksplika ni Iroy sa panayam ng Bulgar sa online interview. “We have a procedure already in place, so we will ensure govt compliance.”


Siniguro ng 2020 Asia & Oceania Boxing Olympic Qualifying gold medalist na paghuhusayan niya ang kanyang preparasyon upang matulungan ang bansa na matuldukan na ang pagkagutom sa gintong medalya sa quadrennial meet. “Yung chance natin sobrang laki kase nagte-training tayo ng maayos. Lahat naman malaki ang chance. Ang hirap lang talaga makuha yung gold sa Olympics pero gagawin ko yung best ko sa training ko sa Olympics,” saad ni Marcial na tiyak na mapapalaban ng todo sa mga World class amateur boxers gaya nina World No.1 Gleb Bakashi ng Russia, 2016 Rio Olympics middleweight champion Arlen Lopez ng Cuba; ang tinalo nito sa semifinals ng 2019 World na si Tursynbay Kulakhmet ng Kazakhstan; Herbert Da Conceicao Sousa ng Brazil, Rio silver winner Bektemir Melikuziev ng Uzbekistan, Salvatorre Cavallaro ng Italy at 2020 OQT silver medalist Abilkhan Amankul ng Kazakhstan.

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page