top of page
Search
BULGAR

Marathoner, nakaiwas sa COVID-19, inatake naman ng hippopotamus

ni Eddie M. Paez Jr. - @Sports | October 4, 2020



Matagumpay na nakakaiwas sa nakamamatay na coronavirus ang isang long distance runner sa kanyang patuloy na pagpapakondisyon bilang paghahanda sa mga karera pero hindi naman niya nalusutan ang atake ng hippopotamus nang minsan siyang nag-eensayo sa Kenya.

Si Edwin Mokua, may-ari ng korona ng Trabzon Half Marathon sa Turkey, ay nagsasanay sa Manguo village nang atakihin siya ng hippopotamus malapit sa ilog ng Ewaso Nyiro. Nailigtas siya ng kanyang training partner na si Denis Kipkoskei.

Ayon sa pangunang ulat, unang nakita ni Kipkoskei ang pangkat ng mga hippos at walang aberyang nilagpasan niya ang mga ito. Nang lumingon sa gawing likuran, hindi niya natanawan si Mokua. Kalaunan ay nakita niya ang 26-taong-gulang na kasama sa pagsasanay na nakikipagbuno sa umaatakeng hayop. "I scared off the rest before turning my energies to the one that was attacking him," paliwanag ni Kipkoskei.

Ayon sa coach ni Mokua, naobliga silang magsanay sa malapit sa Ewaso river dahil sa mga restrictions na ipinapatupad upang kontrahin ang paglaganap ng coronavirus na pandemya.

Nakatakda sanang bumalik sa Turkey ang atleta upang sumali sa Izmir Marathon ngayong Linggo. Sa halip, nagpapagaling ito ng broken ribs at double fracture sa kaliwang kamay sa Nyahururu Hospital.

Naunang napaulat na may dalawang namatay at tatlong injury mga kaso ang nairehistro dahil sa mga atake ng hippopotamus sa lugar sa nakalipas na buwan. Ang hippo ay itinuturing na isa sa pinakaagresibong hayop sa Africa at kapag umatake sa tao ay posibleng ikamatay.

0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page