ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | April 10, 2024
Lubos akong nagpapasalamat sa bawat Pilipinong patuloy na nagtitiwala sa akin bilang inyong Senator Kuya Bong Go.
Ang inyong suporta ang siyang nagbibigay ng lakas at inspirasyon sa akin upang magpatuloy sa paglilingkod sa inyong lahat at sa ating bansa sa abot ng aking makakaya. Mula noon hanggang ngayon, hindi ko sasayangin ang pagkakataon na ito na makapagserbisyo sa inyo at maipaglaban ang kapakanan ng bawat Pilipino.
Bilang isang simpleng probinsyanong binigyan ng Panginoon at ng mga mamamayang Pilipino ng mandatong maglingkod na senador simula noong taong 2019, hindi ako tumigil sa aking mga gawain na makatulong sa kapwa, lalo na para sa mga mahihirap at pinakanangangailangan.
Ang resulta ng mga pinakahuling surveys ng Pulse Asia, OCTA Research at Pahayag ng Publicus Asia nitong unang quarter ng taong 2024 ay nagbibigay sa akin ng dagdag na lakas at determinasyon upang ipagpatuloy ang aking serbisyo para sa taumbayan. Ako naman, may survey man o wala, o kahit ano pa ang maging resulta n’yan, gagawin ko ang aking makakaya upang patuloy kong magampanan ang aking mga tungkulin nang may katapatan, lalo na sa mga panahong ito na kailangan natin ng pagkakaisa at malasakit sa isa’t isa.
Walang pinipiling oras ang pagseserbisyo. At ang palagi kong payo sa mga kabataan na nais maglingkod sa bayan, lagi nating unahin ang interes ng ating mga kababayan at kung ano ang makakabuti sa lahat. Kapag inuna mo ang kapakanan ng inyong kapwa, hinding-hindi tayo magkakamali.
Bilang inyong Mr. Malasakit, anumang pagsubok ang ating haharapin sa susunod na mga araw, patuloy akong magseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko na ang magserbisyo at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kaya naman kahit weekend at holiday ay tuluy-tuloy pa rin ang ating paghahatid ng serbisyo sa ating mga kababayan sa buong bansa. Masaya kong ibinabalita na noong April 7 ay sinaksihan ng aking tanggapan ang inagurasyon ng itinayong Super Health Center sa Umingan, Pangasinan. Binisita ko ito noong nakaraang taon para sa groundbreaking at ngayon ay tapos na ang pasilidad na maglalapit ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan sa ating mga kababayan sa lugar. Kasabay nito ang kanilang Karabasa Festival kung saan nakisaya ang aking tanggapan at nagbigay rin ng kaunting tulong sa mga kababayan ko roon bilang adopted son tayo ng Pangasinan.
Kahapon, April 9, ay nasa Romblon tayo at sinaksihan ang turnover ceremony ng itinayong Super Health Center sa bayan ng Magdiwang. Matapos ito ay nag-inspeksyon tayo sa isinasagawang paglalatag ng konkreto at rehabilitasyon ng Manuel L. Quezon Street sa Cajidiocan na isinulong nating mapondohan sa ating kapasidad bilang vice chair ng Senate Committee on Finance. Pinangunahan din natin ang pagkakaloob ng tulong para sa 500 residente sa lugar na nawalan ng hanapbuhay. Nabigyan din ang mga ito ng pansamantalang trabaho mula sa programa ng DOLE.
Bilang tayo ang chair ng Senate Committee on Sports, dumalo rin tayo sa ginaganap na Romblon Provincial Athletic Meet, sa paanyaya ni Gov. Otik Riano, Cajidiocan Mayor Marvin Ramos, at iba pang opisyal. Pinayuhan ko ang mga lumahok, ‘to get into sports, stay away from illegal drugs, and keep healthy and fit!’ dahil malaki ang papel ng sports sa nation-building at sa paghubog ng ating kabataan.
Naghatid din ang aking Malasakit Team ng tulong sa mga kababayan nating nahaharap sa iba’t ibang krisis tulad ng 107 pamilyang nasunugan sa mga barangay sa Zamboanga City.
Nabigyan natin ng tulong ang 16 residente ng General Santos City na naging biktima ng insidente ng sunog. Nakatanggap din ang mga ito ng emergency housing assistance mula sa programa ng NHA na isinulong natin noon at patuloy na sinusuportahan ngayon para may pambili ang mga benepisyaryo ng pako, yero, semento at iba pang materyales sa pagtatayong muli ng kanilang mga tahanan.
Nagbigay naman tayo ng ilang regalo para sa 58 newlywed couples sa isinagawang Kasalang Bayan sa Quezon City katuwang si Councilor Mikey Belmonte.
Muli, maraming salamat at ipagpapatuloy ko ang aking mga adbokasiya na makakabuti para sa bansa at sa lahat ng ating kababayang Pilipino. Magkaisa tayo para matugunan ang mga isyung kinakaharap ng ating bansa lalo na pagdating sa kalusugan at pangangailangan ng bawat Pilipino. Sikapin nating walang maiwan sa ating pagbangon at tulungan nating maiangat ang antas ng buhay ng mga hopeless, helpless at walang malalapitan maliban sa pamahalaan.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.
Comments