ni Nancy Binay @Be Nice Tayo | May 9, 2024
Nitong nakaraang Martes ay pinarangalan ng Senado ang pumanaw na dating Senador Rene Augusto V. Saguisag.
Kilalang human rights lawyer si Rene Saguisag noong Martial Law. Bilang kasapi ng Free Legal Assistance Group (FLAG) at Movement of Attorneys for the Advancement of Brotherhood, Nationalism, and Integrity (MABINI), ipinagtanggol niya ang mga mahihirap, aktibista, mamamahayag, at marami pang iba na naging biktima ng pang-aabuso.
Nakita ko mismo ang pagmamahal at dedikasyon ni ex-Senator Saguisag sa kanyang bayan at kababayan, at ang walang pagod na pagtatrabaho niya para mabigyan ng katarungan ang mga ipinagtatanggol.
Madalas akong isama ng aking amang si former Vice President Jojo Binay sa kanyang trabaho bilang abogado sa FLAG at MABINI.
Noon ko nasaksihan si ex-Senator Saguisag na abala sa pagdalaw sa mga political detainees sa Fort Bonifacio, nakikibaka sa kalsada, at nakikipagpulong sa iba’t ibang personalidad gaya ni former Labor Secretary Bobbit Sanchez, Senator Joker Arroyo, Senator Jose Diokno, Senator Lorenzo Tañada, at iba pa.
☻☻☻
Bagama’t anim na taon lamang siyang nagsilbi sa Senado, maganda ang legislative track record ni ex-Senator Saguisag.
Ilan sa mga kilalang batas niya ay ang Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, at Republic Act No. 6770 o the Ombudsman Act of 1989. Kabilang din siya sa “Magnificent 12” senators na tumutol sa pananatili ng US bases sa bansa.
Bago siya mahalal sa Senado, nagsilbi rin siyang presidential spokesperson at legal counsel ni former Pres. Cory Aquino.
☻☻☻
Buong buhay na pinagsilbihan ni ex-Senator Saguisag ang ating mga kababayan. Kilala siya dahil sa kanyang pagka-simple, mapagkumbaba, galing, at pagmamalasakit para sa kapwa.
Kilala siya bilang Senator Saguisag. Ngunit para sa akin, siya si Tito Rene, na nakilala ko mula pagkabata. Ka-basketball ng aking ama, at kasama sa pakikibaka.
Maraming salamat sa paglilingkod-bayan, Tito Rene. Salamat rin sa magandang alaala.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BE NICE TAYO ni Sen. Nancy Binay, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa benicetayo.gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran. Always Be Nice! FOLLOW US! Facebook: www.facebook.com/SenatorNancyBinay Twitter: www.twitter.com/SenatorBinay @SenatorBinay Instagram: @SenatorNancyBinay
Comments