top of page
Search
BULGAR

Maraming reklamo sa pamamahagi ng ayuda, nakadidismaya!

ni Ryan Sison - @Boses | May 01, 2021



Habang patuloy ang pamimigay ng one-time ayuda sa mga naapektuhan ng enhanced community quarantine (ECQ) sa mga lugar na kasama sa NCR Plus Bubble, hindi pa rin tapos ang iba’t ibang reklamo ng mga benepisaryo.


Kaugnay nito, sinabi ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na higit 23,000 reklamo ang kanilang natanggap hinggil sa distribusyon ng one-time P1, 000 ayuda.


Ayon kay Interior Secretary Eduardo Año, 15,736 sa natanggap nilang 23,292 reklamo ay sumasailalim sa deliberasyon, samantalang ang 3,824 ay naresolba na.


Paliwanag ng kalihim, papasok lang sila sa usapin kung hindi natutugunan ang reklamo at kung kakailanganin ay magsasagawa sila ng kaukulang imbestigasyon.


Kasabay nito, 67% o katumbas ng P15.533 milyon sa higit P22.9 bilyon na inilaan para sa ayuda ang naipamahagi na.


Bagama’t hindi ito ang unang pagkakataon na namahagi ang gobyerno ng ayuda sa mga apektado ng lockdown, nakadidismaya dahil napakarami pa ring reklamo hinggil sa distribusyon.


Kumbaga, sa halip na maayos ang pamamahagi ng ayuda, parang walang kadala-dala kaya heto at sandamakmak pa rin ang reklamong natanggap ng ahensiya.


Hindi natin nilalahat dahil may mga lugar pa ring maayos ang distribusyon kahit pa nagbahay-bahay ang mga lokal na pamahalaan. ‘Yun nga lang, may ilang sablay ang diskarte kaya nauwi sa reklamo.


Gayunman, panawagan sa mga kinauukulan, pakibilis-bilisan ang pagtugon sa mga reklamong ito para mapanagot ang mga dapat managot.


Tutal, may ilang araw pa bago ang deadline ng pamamahagi ng ayuda, hangad nating maging maayos ito at ‘wag umabot sa puntong kailangan pang magreklamo.


At paalala naman sa taumbayan, lalo na sa mga benepisyaryo, ‘pag may nakitang mali, ‘wag matakot magsumbong para maaksiyunan ang ganitong mga isyu.

 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page