ni Ryan Sison - @Boses | May 22, 2021
Habang tuluy-tuloy ang vaccination program ng gobyerno kontra COVID-19, patuloy na hinihikayat ang taumbayan na magpabakuna, lalo na ang mga nasa priority list ng Department of Health (DOH).
Gayunman, marami pa ring mga Pilipino ang nagtitiwala sa vaccination program ng gobyerno laban sa COVID-19, base sa resulta ng survey na isinagawa ng Social Weather Station (SWS) kamakailan.
Ayon sa datos, mayroong 51% ng Filipino adults ang nagtitiwala sa programa ng gobyerno kung saan 18% ang tinawag na “very confident” habang 34% ang medyo kampante. Ang natitirang 31% naman ay hindi tiyak, habang ang 17% ang hindi kumpiyansa sa nasabing programa.
Bukod sa paglaban mismo sa pandemya, ang paghikayat sa publiko na magpabakuna ang isa pang hamon sa ating pamahalaan.
Kaya naman ngayon, pinag-aaralan na ang mga mungkahing mag-eengganyo sa ating mga kababayan na magpabakuna tulad ng raffle o lottery sa mga magpapabakuna sa kabila ng mga agam-agam nito.
Bagama’t hindi natin masisisi ang taumbayan kung marami pa ring takot at nagdadalawang-isip, bakit hindi natin pakinggan ang kanilang opinyon o suhestiyon?
Karamihan sa kanila ay nag-aalangan dahil sa side effect at nauunahan ng takot dahil sa mga post sa social media hinggil sa epekto ng bakuna.
Siguro nga, malaking bagay ang information campaign upang mapalakas pa ang tiwala ng publiko sa bakuna. Ito ang kailangan ng karamihan sa atin kaysa sa kung anu-ano pang pakulo para lang maraming magpabakuna.
Kailangan nating matugunan ang isyung ito sa lalong madaling panahon dahil hindi puwedeng matengga lang ang mga bakuna at hindi mapakinabangan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com
Comments