top of page
Search

Maraming Pinoy ang mas takot pa sa bakuna kaysa COVID-19

BULGAR

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | May 19, 2021



Matapos ang ilang linggong pagdaluyong ng COVID-19 sa iba’t ibang bahagi ng bansa ay nakaranas na naman nang paghihigpit ang National Capital Region (NCR) Plus bubble at iba pang lugar sa bansa upang maiwasan ang pagkakahawa-hawa.


Sa pinakahuling anunsiyo ng pamahalaan ay ibinalik na naman ang NCR Plus sa General Community Quarantine (GCQ) na may Heightened Restriction simula Mayo 15 hanggang 31 na kinabibilangan ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.


Ito ang napagkasunduan ng mga nakakasakop na mayor sa pinakahuling pagpupulong dahil sa pakiusap na rin umano ng napakaraming negosyante at mga manggagawa na nais nang magsibalik sa paghahanapbuhay.


Wala namang bagong kautusan dahil ang lahat ng ito ay nagawa na noon at muli lamang ibinabalik sa paghihigpit kapag tumataas na naman ang kaso ng COVID-19 at kapag humuhupa ay muli na namang luluwagan.


Siyempre, lahat naman tayo ay nangangarap na sana isang araw ay matapos na ang pandemyang ito para makabalik na tayo sa dati nating pamumuhay, ngunit napakarami talaga ng mga dapat ayusin para tuluyan na itong masawata.


Maging ang mga desisyon ng pamahalaan hinggil sa quarantine ay tila hindi na ganun kaintertesado ang marami sa ating mga kababayan at tila ayaw nang magbasa o makinig kapag tungkol sa COVID-19 ang pag-uusapan.


Sa katunayan ay libu-libo araw-araw ang nahuhuling lumalabag sa napakasimpleng pagsusuot lamang ng tamang facemask at dahil walang malinaw na panuntunan kung paano papanagutin ang mga lumabag ay hindi nakararamdam ng takot ang marami sa ating mga kababayan.


Masuwerte kung ang isang nasakote na lumabag sa health protocol ay may umiiral na ordinansa kung saan siya naaresto pero kung wala ay walang mangyayari dahil maging ang mga pulis ay takot mabatikos sakaling may mangyaring masama sa mga violator.


Paulit-ulit, pabalik-balik at ‘yan ang ating magiging sitwasyon habang hindi pa natatapos ang pagtuturok ng bakuna sa mga kababayan nating nais magpabakuna ngunit hindi pa kabilang dito ang mga kababayan nating ayaw magpabakuna.


Napakataas ng porsiyento ng mga ayaw magpabakuna kung pagbabasehan natin ang pinakahuling survey ng Pulse Asia kamakailan, ngunit ayon naman sa pinakahuling pahayag ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF-EID) ay nadagdagan na umano ang bilang ng mga nais magpabakuna.


Dapat huwag nang magpatumpik-tumpik pa ang ating mga kababayan at habang may pagkakataon ay magpaturok na agad ng bakuna laban sa COVID-19 dahil papalapit na ang napakaraming balakid na maaaring magpabagal sa pagtuturok ng bakuna.


Nand’yan ang paisa-isa nang pagpasok ng bagyo na sinimulan na ng bagyong Crising na nagdala ng malalakas na pag-ulan at pagbaha sa ilang lugar sa Kabisayaan at Mindanao, partikular sa Davao Region at natural lamang na mas unahin ang pagtugon sa kaligtasan laban sa kalamidad.


Idagdag pa rito ang hindi maayos na supply ng kuryente sa mga lalawigan na posibleng makaapekto sa pag-iingat natin sa bakuna na nangangailangan ng tamang temperatura para huwag masira.


Marahil ay napapansin n’yo rin na marami sa mga nais tumakbo sa darating na eleksiyon ay nagsisimula nang magparamdam at gumagawa na ng mga eksena para mapansin at posibleng makadagdag-abala ito sa pagtutok ng ilan nating nanunungkulan na may ibang agenda.


Dagdag-pressure rin ang dumating na bakuna na dalawang milyong AstraZeneca na may expiry date na Hunyo at Hulyo 2021 dahil nasa 1.5 milyong doses ang mag-i-expire sa Hunyo habang sa Hulyo naman ang 500,000 doses.


Kaya dapat mapabilis ang pagtuturok nito dahil kung hindi ito maisasagawa agad ay tiyak na puputaktihin ito ng kabi-kabilang batikos na dagdag-abala na naman para sa mas mabilis na pagtugon laban sa pandemyang ito.


Sa ngayon ay tuluy-tuloy na ang pagdating ng bakuna sa ating bansa mula sa mga bansang China, Russia, United States at Europa at kahit ano pa ang tatak ng bakuna ay atin na itong sunggaban dahil lahat ito ay mabisa laban sa COVID-19.


Ang bansang Israel na ikunokonsiderang may pinakamaraming nabakunahan na sa bilang ng kanilang populasyon ay nakatakda ring magbahagi ng bakuna sa ating bansa para makatulong.


Pinaghahandaan na rin ng pamahalan ang pondo para sa aangkatin pang bakuna para naman sa mga may edad 17 hanggang 1 dahil kailangan talagang mabakunahan ang lahat para magbalik na tayo sa dati nating pamumuhay.


Kaya hangga’t wala pang nangyayaring kalamidad, delubyo o anumang sakuna na posibleng makaaantala sa pagbabakuna — na huwag naman sana ay huwag na tayong magdalawang-isip pa na magpabakuna.


Huwag na tayong dumagdag sa problema ng bansa, dahil ang pagpapabakuna laban sa COVID-19 ay hindi lang pagmamahal sa sarili kung hindi pagpapakita rin nang pagmamahal sa iyong mga kaanak at kababayan.


Marami kasing takot sa bakuna, pero sa COVID-19 na milyon na ang namamatay sa buong mundo ay hindi sila takot.


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

0 comments

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page