ni Fely Ng @Bulgarific | Jan. 30, 2025
Hello, Bulgarians! Alinsunod sa deklarasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na patuloy na palawakin ang mga benepisyo sa kalusugan kahit walang subsidiya mula sa gobyerno, itinaas kamakailan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ang Z Benefit Package nito para sa Peritoneal Dialysis simula Enero 1, 2025.
Ang benepisyo ay mayroon nang hiwalay na mga package para sa mga matatanda at mga bata.
Ayon sa National Kidney and Transplant Institute, ang peritoneal dialysis (PD) ay isang uri ng dialysis kung saan ang sariling peritoneal membrane ng pasyente o lining ng mga abdominal organs at body surfaces sa loob ng abdominal cavity ay ginagamit bilang artipisyal na mga bato o kidney.
Ang pinahusay na PD package ay sumasakop sa iba’t ibang modalities ng RRT batay sa edad. Para sa mga adults o matatanda, sagot ng PhilHealth ang Continuous Ambulatory Peritoneal Dialysis (CAPD), at CAPD at Automated Peritoneal Dialysis (APD) para naman sa mga mas batang pasyente.
“Nais naming hikayatin ang paggamit ng peritoneal dialysis para sa pasyente na may Chronic Kidney Disease Stage 5,” sabi ni PhilHealth President at CEO Emmanuel R. Ledesma, Jr.
“Ang PD ay isang mabisang opsyon bukod sa hemodialysis, hindi lamang upang bigyan ng awtonomiya at kakayahang pumili ang aming mga miyembro sa modality ng paggamot, kundi upang tiyakin ang kalidad ng buhay at malayang paggalaw ng mga pasyente,” dagdag niya.
Para sa mga matatandang pasyente, ang coverage ay P389,640 o P510,140, depende sa mga PD solutions na kailangan ng pasyente bawat araw. Ang package ay dating nasa P270K bawat taon.
Samantala, ang mga benepisyo para sa mga batang pasyente sa ilalim ng CAPD ay mula P510K hanggang P765,210, habang ang coverage para sa APD ay mula P763K hanggang P1.2 milyon. Sinasagot din ng PhilHealth ang exit site infection at peritonitis prevention care gayundin, ang ancillary services gaya ng catheter insertion, outpatient treatment ng PD-related peritonitis at laboratory, diagnostic tests, at mga gamot para sa parehong adult at pediatric cases.
Batay sa PhilHealth Circular No. 2024-0036, ang mga pasyente na may Chronic Kidney Disease Stage 5 na gagamit ng ganitong uri ng RRT ay kailangang magparehistro muna sa PhilHealth Dialysis Database at sumunod sa umiiral na mga patnubay sa pagiging miyembro. Ang mga pasyente ay dapat ding sumunod sa treatment plan, kabilang ang mga follow-up visits. Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbebenta o pamamahagi ng mga PD solutions na ibinigay sa kanila.
Bukod dito, ang mga contracted providers o health facilities ay ipinagbabawal na maningil ng dagdag na charge para sa mga essential health services. Gayunpaman, maaari silang maningil para sa mga serbisyo at amenities na hindi kasama sa listahan ng essential health services na saklaw ng package. Dapat nilang ipaliwanag sa mga pasyente ang anumang co-payment na sisingilin pa sa kanila.
Ang pinahusay na PD Z Benefits ay makukuha sa alinman sa 51 contracted PD providers sa buong bansa, ang listahan nito ay makikita sa www.philhealth.gov.ph. Ang mga miyembro ay maaari ring humingi ng karagdagang impormasyon at tulong sa pamamagitan ng pagtawag sa mga sumusunod na 24/7 touch points: (02) 866-225-88 o sa mga mobile numbers 0998-857-2957, 0968-865-4670, 0917-1275987 o 0917-1109812.
Para sa anumang impormasyon, opinyon, isyu o maging imbitasyon, mag-e-mail sa bulgarific@gmail.com o sumulat kay Ms. Bulgarific at ipadala sa Bulgar Bldg., 538 Quezon Avenue, Quezon City.
Comments