ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | July 11, 2022
Marami tayong umiiral na batas na talagang kapaki-pakinabang, ngunit nakakapanghinayang dahil marami pa sanang dulot na pakinabang ang ilang mga batas. Pero dahil sa paglipas ng panahon ay tila hindi na ito akma at kailangan na talagang amyendahan.
Kumbaga, maihahalintulad ito sa magandang bahay na dati-rati dahil sa bagong gawa ay maayos pa na natitirahan, ligtas, bago ang bubong walang tagas. Kaya lamang sa paglipas ng panahon ay naapektuhan ito ng kapaligiran, kung kaya’t kailangan nang kumpunihin upang higit pang pakinabangan.
At isa nga rito ang umiiral na batas para sa mga Senior Citizens na talagang ginagamit ng ating mga lolo at lola. Subalit alam n’yo ba na maraming business establishments ang nagpapalusot dahil ayaw nilang magbigay ng diskuwento?
Kabilang na ang ilang kilalang drug stores at grocery stores na pinipili lamang ang mga binibili ng mga Senior Citizen na binibigyan ng diskuwento, dahil sa pagdaan ng panahon ay nakitaan na nila ng butas ang batas para makapagpalusot.
Marami na tayong nasaksihang insidente na ang Senior Citizen ay nakikipagtalo at pilit na ipinaglalaban ang prebilehiyong dapat nilang matamasa, ngunit dahil sa napaghandaan na ng mga negosyente ang ikakatuwiran ay walang magawa ang pobre nating lolo at lola.
Ito ang nagtulak sa akin para ihain ang ilang panukalang batas na isinama sa ating sampung priority proposed bills, at isa na ang ‘Abot-Kayang Gamot, Bitamina at Gatas para sa Malusog na Senior Citizen Act’ na kinapapalooban pa ng mga karagdagang benepisyo.
Ang naturang panukalang batas ay naglalayong amyendahan ang Republic Act No. 7432 o ang ‘The Senior Citizens Act’ na kasalukuyang nagbibigay ng 20% diskuwento at hindi pa kabilang sa pagbabayad ng value-added taxes (VAT) para sa senior citizens, kasama na ang pagbili sa lahat ng gamot, supplements, vitamins, herbal products, at formulated milk na ineresata ng kani-kanilang doktor.
Dahil sa kasalukuyang lengguwahe ng batas, ang pagkawala o hindi maayos na pagtukoy sa terminong ‘medicine’ ay nagiging palusot para hindi tanggapin ng mga business establishments ang prebilehiyo na dapat pakinabangan ng mga senior citizens, ayon sa umiiral na batas.
Sa ilalim ng panukalang amyenda ay maisasaayos pa ang mga kalituhan o kakulangan dahil sa lilinawin na ang mga katagang medicines, supplements, vitamins, herbal products at formulated milk na kasama dapat sa mga pribilehiyo.
Ang pagtukoy sa mga vital products na dapat bigyan ng diskuwento sa mga pamilihan ay malaking tulong para matiyak na makukuha ng mga senior citizens ang prebilehiyong dapat nilang pakinabangan, na ang layunin ay makatutulong para mas tumibay ang kanilang kalusugan at humaba pa ang kanilang buhay.
Ang katagang ‘medicine’ ay bibigyan na ng tukoy na kahulugan na para sa prescription/over-the-counter drugs, maging generic o branded basta inireseta ng doktor at aprubado ng Department of Health (DOH) at Food and Drug Administration (FDA) na inilaan para magamit sa diagnosis, cure, mitigation, treatment o pag-iingat sa disease o anumang sakit.
Dahil sa panukalang ito ay lalaki ang pakinabang ng mga lolo at lola dahil mawawala na ang butas ng batas na ginagamit na palusot ng mga walang-awang business establishments na mas iniisip pa ang kanilang negosyo sa halip na ang kapakanan ng mga senior citizen.
Isa pa sa inihain natin ay palakasin ang kapakanan ng maliliit na negosyante dahil ayon sa 2021 Updated List of Establishments na inilabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), 99.58% ng lahat ng negosyo sa bansa pinapatakbo ng Micro, Small at Medium Enterprises (MSMEs).
At ang MSMEs ay may malaking papel na ginagampanan para makapagbigay ng maraming trabaho, katulong sa paglago ng ekonomiya at pinatitibay nito ang pundasyon ng maliliit nating kababayan na nais na ring magtayo ng sariling negosyo. Dahil dito ay isinumite natin ang panukalang batas na mag-aamyenda sa Republic Act No. 6977 o ang “Magna Carta for Micro, Small, and Medium Enterprises” to strengthen, empower, and enhance the financing and other support programs for MSMEs.
Nakapaloob sa iniakda nating panukala na ang government financial institution na nagpapautang sa maliliit na negosyante ay magkakaroon ng kapangyarihan na mag-alok ng retail lending sa mga lugar na hindi mabigyang serbisyo ng mga pribadong banko.
Kailangan ding mapatatag ang pondo para sa rehablitasyon ng mga maliliit na negosyante na nasalanta ng kahit anong kalamidad upang mas mabilis silang makabangon at hindi tuluyang matigil sa paghahanapbuhay.
Marami pang nakapaloob sa ating panukala na ang tanging layunin ay ang pag-unlad ng MSMEs sa pamamagitan ng pagpapabilis ng proseso ng permits at lisensya; diskwento sa shipping at delivery fees para sa produkto at raw materials; pagtatalaga ng bakanteng espasyo sa mga government buildings, public markets at commercial selling establishments.
Kung sama-sama tayo sa pagtulong sa isa’t-isa ay mas bibilis ang pag-unlad at hindi tulad ng ilang business establishment na sa halip na bigyang diskwento ang mga lolo at lola ay niloloko pa!
Anak Ng Teteng!
May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anakngteteng.bulgar@ gmail.com
Comments