top of page

Marami na ang nawawalan na ng pag-asa ngayong pandemya

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Aug 25, 2021
  • 3 min read

ni Bong Revilla - @Anak ng Teteng | August 25, 2021



Sa panaho ng pandemya na tila hindi malaman ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan kung paano ba talaga tuluyang mareresolba at maibabalik sa dating pamumuhay ang ating bansa ay hindi maiwasang tumaas ang bilang ng pinanghihinaan na ng loob.


Tuluyan nang nahati ang pananaw ng marami sa ating mga kababayan dahil kung marami ang hanggang ngayon ay buong-buo pa ang pag-asa na isang araw ay magbabalik tayo sa dati nating pamumuhay ay marami rin ang nawawalan na ng pag-asa.


Malaking epekto na maging ang pagtungo sa mga simbahan o kahit anong religious gatherings ay pansamantalang hinihigpitan dahil sa banta pa rin ng COVID-19 kaya malaking kawalan ito para sa ilan nating kababayan na rito humuhugot ng lakas para sa pang-araw-araw na pamumuhay.


May ilan din tayong kasama sa mga opisina, pabrika o iba pang lugar kung saan mayroong manggagawa ay bigla na lamang tayong nagugulat kapag sa gitna ng sitwasyon ay biglang titigil at sisigaw nang napakalakas.


Ngunit kapag tinanong ang indibidwal kung bakit siya biglang sumigaw ay wala naman siyang maibigay na sapat na paliwanag maliban sa nais lamang umano niyang magtanggal ng pagkabagot na nararamdaman dahil umay na umay na ito sa paulit-ulit na ginagawa araw-araw.


Nais nilang ibahin ang takbo ng kanilang buhay, ngunit hindi ito dagliang mababago kaya wala silang magawa kundi ang pilitin pa ring gawin ang pang-araw-araw nilang tungkulin at sa pamamagitan ng pagsigaw ay pansamantalang gumagaan ang kanilang kalooban.


Alam ba ninyong lahat ng tao ay nangangailangan ng break o bakasyon mula sa kanilang mentally challenging na trabaho o pang-araw-araw na ginagawa upang makapagpahinga ng sapat at makapag-recharge para mawala ang pakiramdam na tila sasabog.


Marami sa ating mga kababayan ay masyadong nakatali sa pang-araw-araw na gawain kaya walang sapat na panahon o tamang pagkakataon para sa sarili dahil sa dami ng kanyang pananagutan, partikular ang ilan nating kababayan na nakahanay sa hard labor.


May ilan na kahit paano ay kayang magtungo sa SPA para magrelaks, magtungo sa ilang music bar para mag-unwind kahit ilang sandali, mag-shopping o manood ng sine, ngunit ang lahat ng ito ay hindi basta maisasagawa dahil sa pandemya.


Ngunit alam n’yo ba na isa sa pinagmumulan ng stress, pagbagal ng katawan, pakiramdam na tila pagod na pagod at sobrang pamimigat ng kaisipan ay ang halos walang nang pahingang paggamit ng cellular phone?


Tukuy na tukoy ito sa ginawang pananaliksik ng Rutgers University na siyang pangunahing dahilan bakit ang indibidwal ay biglang nagkakaroon ng pakiramdam na tila punung-puno at biglang parang sasabog na hindi maintindihan ng marami sa ating mga kababayan.


Napakahaba ng isinagawang pag-aaral ng Rutgers University na nilahukan ng 414 katao na lahat ay binigyan ng word puzzles na kailangan nilang sagutin upang masukat ang kanilang abilidad, tiyaga at kakayahan ng isip.


Iba’t ibang klase ng world puzzle ang kanilang kinaharap at sa gitna ng kanilang pagsagot sa mga puzzle ay marami sa mga kalahok ang sadyang pinagpahinga, ngunit binigyan ng panibagong task kung saan ay pinamili sila ng ilang item.


Ang una sa pagpipilian ay ang cellphone, ikalawa ay computer at iba pang item habang ang iba ay binigyan ng bond paper kung saan isusulat nila ang dahilan kung bakit nila napili ang naturang item, samantalang ang ibang kalahok ay hindi naman binigyan ng pahinga kahit sandali.


Inilathala sa Journal Behavior Addictions ang naturang pag-aaral na umano ay nagpakita na ang mga kalahok na hindi nagpahinga sa paggamit ng cellphone ay may mas mataas na lebel na pagbaba ng kaisipan at kitang-kita na mas nahirapan silang sagutin ang puzzle.


Dahil dito ay napatunayan sa naturang pag-aaral na ang paggamit ng cellphone sa gitna nang pamamahinga ay hindi nakatutulong para sa utak ng indibdwal na nais mag-recharge dahil sa resulta nito na nakapagpapababa ng paggagawa.


Lumalabas din na kapag ang indibidwal ay naagaw ang atensiyon dahil sa tunog ng cellphone ay mahirap na itong maibalik ng agaran sa kanyang ginagawa depende pa sa kausap at kung anong problema pa ang dala nito na magpapabigat sa kaisipan ng gumagamit ng cellphone.


Hindi pa kasama ang masamang epekto ng fake news na mas madalas ay panandaliang pinaniniwalaan at nakagugulo sa isipan ng isang indibidwal lalo pa at kulang ang pagkakataon para iberipika kung totoo o hindi ang nabasa nating impormasyon sa ating mga cellphone.


Kaya dahil sa bilis at ganda ng ating teknolohiya ay kitang-kita ang magandang dulot nito, ngunit kung ang nais natin ay kumpletong pahinga para maibalik sa dati ang ating pagkatao na saglit na nawala dahil sa nakakaumay na mundo na ating ginagalawan ay makabubuting patayin na muna ang cellphone.


Kahit saglit ay walang aaway sa ‘yo, walang magagalit, walang magbibigay ng problema, walang mag-uutos, walang magtatanong at walang magsasabing expired na ang load kaya dapat nang mag-load!


Anak Ng Teteng!

 

May katanungan ka ba, reklamo o nais ihingi ng tulong? Sumulat sa ANAK NG TETENG! ni BONG REVILLA sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa anak­ng­teteng.bulgar@ gmail.com

תגובות


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page