ni Grace Poe - @Poesible | January 18, 2021
Hello, mga bes! Kumusta kayo at ang inyong pamilya? Ramdam na ba ninyo ang lamig ng panahon sa umaga at gabi? Ang sarap ng simoy ng hangin ngayong mga araw na ito. Napagpagan na ba ang inyong mga pangginaw para magamit ulit?
Magandang balita ang dumating sa atin noong nakaraang linggo nang ianunsiyo na aprubado na ng ating Food and Drug Administration (FDA) ang bakuna ng Pfizer laban sa coronavirus. Sa wakas, mayroon nang isang kumpanyang pasado sa pamantayan ng regulasyon para sa ligtas na gamot sa ating bansa.
Ngayong aprubado na ang bakuna ng Pfizer, dapat pursigihin ng pamahalaan na makipag-negosasyon sa nasabing kumpanya para makakuha ang Pilipinas ng kinakailangang bilang ng bakuna mula rito para agarang mailatag na ang malawakang pagbabakuna sa ating bansa. Huwag tayong magsayang ng oras dahil buhay ang nakasalalay dito. Bigyan ng prayoridad dapat ang aprubado na sa FDA kaysa sa mga kumpanya na hindi pa nagsusumite ng kanilang aplikasyon sa nasabing ahensiya.
Sa kasalukuyan, nababasa natin ang balita mula sa clinical testing ng ibang bansang nauna nang nagbakuna kaya may ideya tayo sa epektibidad ng bakuna ng bawat kumpanya. Dahil dito, may agam-agam ang ating mga kababayan kung gaano kabisa ang ilang bakuna.
Naniniwala tayong may karapatang mamili ang bawat Pilipino ng bakunang gagamitin nila. Mapili nga sa jowa, kahit sa sabong panglaba, aba, sa bakuna pa ba na buhay at kalusugan ang nakataya. Isa pa, hindi ito libre. Pera ng taumbayan ang pambili nito. Galing sa buwis ng mamamayang Pilipino ang ipambabayad sa mga bakuna. Kung utangin man ito, tayo rin ang magdurusa sa pagbabayad nito sa pagdating ng panahon.
Walang lohikal na dahilan kung bakit ipipilit natin ang bakunang mas mahal na, wala pang clinical trials na nagpapatunay ng bisa at kaligtasan. Hindi natin masisisi ang ating mga kababayan kung ayaw nila ang ilang tatak na walang katiyakan kung makakatulong o makasasama pa sa kalusugan.
Habang naghihintay tayo ng bakuna, pinapaalalahanan natin ang ating mga kababayan na manatiling ligtas. Obserbahan pa rin natin ang social distancing, pagsusuot ng face mask at face shield, at pagiging malinis sa lahat ng pagkakataon. Prebensiyon pa rin ang pinakamabisang panlaban sa sakit sa panahong ito. Mag-ingat tayong lahat, mga bes.
Yorumlar