top of page
Search
BULGAR

Mapayapa at malinis na rally

by Info @Editorial | Jan. 13, 2025



Editorial

Ang rally ay mahalagang bahagi ng isang malusog na demokrasya. 

Isa itong paraan upang ipahayag ang saloobin at opinyon ukol sa mga isyu ng bayan. 


Gayunman, sa kabila ng layuning iparating ang mga hinaing, madalas ang mga rally ay nauuwi sa kaguluhan at karahasan, na nagdudulot ng pagkasira ng ari-arian at paglabag sa karapatang pantao. 


Pero sa kabilang banda, may mga rally naman na nagsisilbing magandang halimbawa kung paano dapat isagawa ang isang demonstrasyon — ito ang inaasahan sa rally ng Iglesia ni Cristo (INC) ngayong araw. Ito ay bilang pagpapakita ng pagpabor sa pahayag ni Pangulong Bongbong Marcos laban sa pagpapatalsik kay Vice President Sara Duterte.


Sa nasabing rally, inaasahan umanong makikita ang kanilang mataas na antas ng disiplina at malasakit sa kaayusan. 


Ang pagtitipon ay gagawin umanong maayos, may tamang koordinasyon sa mga otoridad at may respeto sa mga karapatan ng iba. 


Nais nating ipaalala sa lahat ng sektor ng lipunan na ang pagpapahayag ng saloobin ay hindi kailangang magdulot ng kaguluhan. Sa halip, ito ay isang halimbawa ng kung paano dapat isagawa ang isang protesta na may dignidad at may malasakit sa kapwa at maging sa kapaligiran.


Sa pamamagitan ng mapayapa at maayos na pagtitipon, maipapakita natin na ang tunay na pagbabago at pag-unlad ng lipunan ay nangyayari hindi lamang sa pamamagitan ng mga malalaking pagkilos, kundi sa mga maliit na hakbang na puno ng malasakit at disiplina.Sa kabila ng lahat ng ito, isang mahalagang bagay na dapat tandaan ay ang kapangyarihan ng bawat isa na magpahayag ng saloobin. 


At ang tunay na diwa ng demokrasya ay hindi nasusukat sa dami ng sigaw o gulo, kundi sa respeto at pagkakaisa para sa kapakanan ng nakararami.


0 comments

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page