ni Ronalyn Seminiano Reonico | March 2, 2021
Handang magbitiw sa puwesto si Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Chief Wilkins Villanueva kung mapapatunayan diumano na isa sa kanilang tauhan ang nagbenta ng droga sa kapulisan sa madugong buy-bust operation malapit sa isang mall sa Quezon City noong nakaraang linggo.
Hinamon din ni Villanueva na maglabas ng CCTV footage ang sinumang nagsasabing nagbenta ng droga ang PDEA agents sa mga tauhan ng Philippine National Police (PNP).
Aniya, “Magsasalita ka kung may makikita kang ebidensiya na nandiyan. CCTV ang patunay. Magpalabas sila ng CCTV na nagbentahan ang PDEA at pulis. Magre-resign ako right now.
“Magpalabas kayo ng ebidensiya na CCTV na nagbenta ang PDEA at kayo ang bumili. Doon, kaso na ‘yun. I will resign immediately.”
Samantala, kasalukuyan pa ring nagsasagawa ng imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa insidente.
Noong Lunes, ayon sa Philippine National Police (PNP), nai-turn over na nila ang ilang ebidensiya katulad ng cellphones, mga baril at umano'y boodle money.
Saad pa ni PNP Crime Laboratory Director Brigadier Steve Ludan, “That is all we have now and na-turn over na po ‘yung iba, and the rest we are waiting for the complete turnover of these evidence to the NBI.”
Pahayag naman ni PNP Chief Police General Debold Sinas, “As to the impact of those evidence, pabayaan na lang muna ang NBI ang magsalita.”
Opmerkingen