top of page
Search

Mapanirang pahayag laban sa kandidato, iwasan para ‘di mapahamak

BULGAR

ni Ryan Sison @Boses | Mar. 14, 2025



Boses by Ryan Sison

Upang hindi maharap sa legal na problema dapat na iwasan ng mamamayan na masangkot sa pagpapakalat ng mga fake news, lalo na laban sa mga pulitiko.


Ito ang naging babala ng Philippine National Police Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) sa mga netizens na huwag gamitin ang social media para magpakalat ng maling impormasyon at paninira laban sa mga kandidato sa nalalapit na national at local elections. 


Ayon kay PNP-ACG spokesperson Lt. Wallen Mae Arancillo, may mga estratehiya at hakbang na silang isinagawa upang matukoy ang mga pekeng account na ginagamit sa smear campaign laban sa kaninumang kandidato. Sa kasalukuyan, iniimbestigahan nila ang isang social media account, habang ang tatlo pa ay isinampa na sa prosecutor’s office. 


Ang mga naturang kaso ay nagmula sa Ilocos Region, Western Visayas, Northern Mindanao, at Caraga Region, kung saan dalawang alkalde, isang board member at isang kapitan ng barangay ang nagsampa ng reklamo. 


Aniya, ang mga complaint ay may kinalaman sa threats o pagbabanta at iba pang alegasyon o mapanirang pahayag na itinuturing na defamatory. 


Sinabi ni Arancillo na kahit pekeng account ang ginamit, maaari pa rin itong matunton sa pamamagitan ng pagkuha ng cyber warrants mula sa korte para matukoy ang totoong pagkakakilanlan ng mga nasa likod nito at mapatunayang sila ang nag-post ng mga mapanirang content. 


Pinaalalahanan din niya ang publiko na umiwas sa pagpo-post ng hindi beripikadong impormasyon upang hindi magkaproblema, lalo na ngayong papalapit na ang eleksyon. 

Binigyang-diin naman niya na mahigpit na binabantayan at mino-monitor ng PNP-ACG ang social media upang matigil ang pagpapakalat ng fake news at disinformation na may kaakibat na multa at pagkakakulong. 


Kaugnay nito, ang mga kaso ng cyber libel ay tumataas at umabot na sa 13.53 porsyento, ayon sa tala ng PNP Anti-Cybercrime Group noong Pebrero. Batay sa ahensya, dahil ito sa patuloy na pagtaas ng mga kaso ng online defamation o paninirang puri sanhi ng mabilis na paglaganap ng hindi beripikadong impormasyon sa mga digital platform.


Sa panahon ng eleksyon, mahalaga ang pagiging maingat sa paggamit ng social media. Ang kampanya laban sa disinformation ay hakbang upang maprotektahan ang integridad ng halalan at maiwasan ang pagkalat ng maling impormasyon na maaaring makasira sa reputasyon ng mga kandidato. 


Kaya naman ang aksyon na ito ng kinauukulan ay may mahalagang papel para panagutin ang mga nagkakalat ng mga mali o pekeng balita, at mapanirang pahayag na sumisira sa pagkatao hindi lamang sa mga kandidato, kundi pati na rin sa tiwala ng publiko sa proseso ng halalan.


Paalala lamang sa mga kababayan na bukod sa maging mapanuri tayo sa mga kandidato, huwag na sana tayong gumatong sa mga isyu na nakikita natin sa social media lalo na kung hindi natin ito lubos na nauunawaan. Kumbaga, hindi magandang makisawsaw tayo sa usapin ng pulitika at maging instrumento ng paglaganap ng fake news dahil posibleng ito pa ang maging sanhi ng ating kapahamakan.


Gayundin, gamitin natin nang wasto ang internet at huwag tayong maging mangmang patungkol dito, bagkus mas mabuting maalam tayo at tiyakin kung ang mga nababasa o naipo-post sa socmed ay totoo o hindi. 


Matuto tayong mag-fact check ng impormasyon na ating nakikita at higit sa lahat huwag basta-bastang maniniwala.


 

Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page