ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran ayon sa Palad | October 06, 2023
KATANUNGAN
Maestro, nais kong ipabasa ang guhit ng aking palad tungkol sa aking pag-aasawa. May boyfriend ako ngayon at balak na naming magpakasal sa susunod na taon. Kaya, nais kong malaman kung anong araw at buwan magandang ikasal? At kung halimbawang natuloy ang pag-iisang-dibdib namin, magiging maunlad, maligaya at panghabambuhay na kaya ang papasukin naming pagpapamilya?
KASAGUTAN
Kapansin-pansing maayos at maganda naman ang pagkakaguhit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad, tanda na kung matagal na kayong mag-dyowa ng boyfriend mo, tunay ngang puwede na kayong magpakasal, sa susunod na taong 2024. Ang maligayang pag-aasawa na binabanggit ng kaisa-isa at makapal na Marriage Line (arrow a.) ay madali namang kinumpirma ng walang bilog, hindi nalatid at nakatuntong sa Bundok ng Jupiter na tinatawag ding Bundok ng Kaligayahan (arrow b.) na Heart Line (Drawing A. at B. h-h arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na ang papasukin mong buhay may-asawa ay sigurado namang uunlad at walang duda na maging matagumpay at habambuhay na magiging maligaya.
DAPAT GAWIN
Kaya nga, Kyle, ang zodiac sign mong Virgo at Taurus naman ang boyfriend mo ay nagsasabing mapalad at suweto kayong magsama at magpakasal sa susunod na taong 2024. Mas okey kung sa buwan ng Mayo o Oktubre, sa mga piling petsang 1, 10, 19, o 28 gaganapin ang nasabing pag-iisang-dibdib. Mas mainam din kung itapat ang kasal sa panahong papabilog o papalaki ang buwan sa kalangitan. Ito ang tinatawag na, first quarter or full moon ang buwan sa langit, upang tulad ng papabilog at papabulas na liwanag ng buwan sa kalangitan, magiging papabulas at papaunlad din ang itatayo n’yong pamilya, habambuhay, habang patuloy kayong nagsasama at nagmamahalan.
Comments