ni Pablo Hernandez @Prangkahan | Jan. 18, 2025
MAY BIGTIME PAHIRAP NA NAMAN ANG MARCOS ADMIN SA MAMAMAYAN -- May bigtime pahirap na naman sa mamamayan ang Marcos administration at ito ay ang bigtime oil price hike next week.
Kaya bigtime pahirap dahil ang itataas kada litro ng gasolina ay mula P1.35-P1.60; sa diesel ay P2.30-P2.60 at sa kerosene ay P2.30-P2.50.
Ang laki ‘di ba? Kaya ang tawag diyan, dagdag-pahirap ng gobyerno sa mamamayan, boom!
XXX
SABLAY ANG HIMUTOK NI VP SARA TUNGKOL SA MALIIT DAW NIYANG BUDGET KAYA NA-BASH NA NAMAN SA SOCIAL MEDIA -- Pinutakti na naman nang batikos si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio kaugnay sa press statement ng Office of the Vice President (OVP) na wala na raw maibibigay na tulong ito para sa medical at burial assistance sa mga kababayang hihingi ng tulong sa kanyang tanggapan dahil P730 million lang daw ang inaprub ng Kongreso at ng Malacanang sa 2025 OVP budget.
Mababatikos talaga, kasi sa huling taon ng termino ni former VP Leni Robredo ay mas maliit na P712M lang ang ibinigay na budget sa kanyang tanggapan noong year 2022, pero nagawa pa rin ng OVP ni ex-VP Leni noon na makapagbigay ng medical at burial assistance sa mga nangangailangang kababayan.
‘Ika nga, kung nagawa ni ex-VP Leni na makatulong sa mga kababayan kahit maliit ang kanyang budget, dapat ganu’n din ang gawin ni VP Sara, at dahil nga sablay ang himutok ng kasalukuyang bise presidente, na-bash tuloy uli siya sa social media, period!
XXX
KAPAG NAGKATOTOO NA 5M PINOY MAGIGING JOBLESS DAHIL SA IMPACT NG AI AT CLIMATE CHANGE, TIYAK TATAAS ANG KRIMINALIDAD KAYA DAPAT HUWAG MAGING ‘NGANGA’ SA ISYUNG ITO ANG MARCOS ADMIN -- Inanunsyo ng Federation of Free Workers (FFW) na aabot sa higit 5 milyong Pinoy ang mawawalan ng trabaho o magiging jobless sa impact ng Artificial Intelligence (AI) at climate change sa local industries sa ‘Pinas.
Huwag sanang maging “nganga” sa isyung ito ang pamahalaan, dapat ay gumawa na agad ng alternatibong livelihood program sa milyun-milyong Pinoy na mawawalan ng work sa hinaharap, dahil kung dededmahin lang ito ng gobyerno ay tiyak sa dami ng magiging jobless sa bansa, siguradong magiging sanhi iyan upang tumaas ang kriminalidad sa ‘Pinas, boom!
XXX
SANA TUPARIN NI MANONG CHAVIT ANG PROMISE SA MGA TSUPER AT OPERATOR NG TRADITIONAL JEEPNEY -- Iniatras na ni business tycoon, former Ilocos Sur Gov. Chavit Singson ang kandidatura niya sa pagka-senador dahil sa edad daw niya ay hindi na niya kakayaning mangampanya sa buong bansa.
Noong hindi pa siya umaatras sa pagkandidatong senador, ang ginamit na slogan ni Manong Chavit sa kanyang mga tarpaulin ay “May Isang Salita.”
Ngayon, hindi na siya kandidato sa pagka-senador, sana tuparin ni Manong Chavit ang promise niya sa mga tsuper at operator ng mga traditional jeepney na tutulungan niya ang mga ito sa pamamagitan ng kanyang bangko na makapag-loan with zero interest para magkaroon sila ng mga e-jeep na panghanapbuhay, period!
Comentários