top of page
Search
  • BULGAR

Manliligaw na may kaya sa buhay, mag-aahon sa hirap

ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | February 20, 2023





KATANUNGAN


  1. May dalawang manliligaw ako ngayon, Maestro. ‘Yung una ay matagal ko nang kaibigan at kakilala dahil kaklase ko siya noong high school, pero mahirap lang sila at hindi siya nakatapos ng pag-aaral, habang ‘yung ikalawa naman ay may kaya sa buhay o sabihin na nating mayaman ang angkan sa aming lugar.

  2. Mahirap lang kami, kaya panay ang sulsol ng mga kapatid ko, gayundin ang nanay ko na sagutin ko na ‘yung mayaman kong manliligaw para kapag napangasawa ko siya ay yumaman na rin kami, makabili ng sariling bahay at makaalis sa apartment na matagal na naming pinagtitiisan at inuupahan.

  3. Kaya gusto kong malaman, Maestro, kung nakaguhit din ba sa mga palad ng isang tao kung siya ay makakapag-asawa ng mayaman at sa palagay n’yo, ito ba ang nakaguhit sa mga palad ko? Kung sakaling mag-asawa ako, kanino higit na liligaya sa dalawang lalaking ito?

KASAGUTAN


  1. Sabi ng kapitbahay naming mukhang pera, “Hindi lamang sa pag-ibig nabubuhay ang tao kundi sa salapi rin.” Ganu’n nga ang posibleng mangyayari —makakapag-asawa ka ng lalaking hindi lang may kaya sa buhay o mayaman. Bagkus, bukod sa mapera ay posible ring siya ay kilala sa lipunan o may marangal na pamilya sa inyong lugar.

  2. Ito rin naman ang nais ipahiwatig ng matipuno, makapal at mahabang Guhit ng Lalaki (Drawing A. at B. K-K arrow a.) na kusang sumabay (arrow b.) at kalaunan ay ganap na ring pumatong at nakiisa sa Fate Line (Drawing A. at B. F-F arrow c.) sa kaliwa at kanan mong palad.

  3. Tanda na hindi basta-bastang lalaki ang itinakda ng kapalaran na iyong makakasama habambuhay. Bagkus, gaya ng nasabi na, ang lalaking nakatakda mong mapangasawa ay siya na ring nilalang na nakatakdang mag-ahon sa iyo sa kahirapan at magbigay sa inyong pamilya ng isang maalwan at nakaririwasang pamumuhay. At dahil medyo mayaman ang lalaki na iyong makakaisang dibdib, ang nasabing pag-aasawa ay magiging masagana at habambuhay na magiging maligaya.

MGA DAPAT GAWIN


  1. Habang, ayon sa iyong mga datos, Jenny, sa pagdating ng mayaman mong manliligaw, matupad ang pangarap ng pamilya mo na makapag-asawa ka ng mayaman, kaya ‘wag mo na itong palagpasin pa. Sapagkat ito rin ang nais ipahiwatig ng iyong mga datos na sinuportahan din ng birth date mong 23.

  2. Ang birth date mong 23 ay nagsasabing sa pag-aasawa, tuluyan nang makakalaya sa kahirapan ang inyong pamilya, hatid ng lalaking mayaman na nagtataglay ng zodiac sign na Aquarius. Habang, nakatakdang maganap ang nasabing pag-aasawa sa susunod na taong 2024 at sa edad mong 25 pataas (Drawing A. at B. 1-M arrow d. at h-h arrow e.). Ito ay magdudulot ng maalwan at masaganang kapalaran habambuhay, hindi lang sa sarili mo kundi sa buo mong pamilya.


0 comments

Comentarios


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page