ni Maestro Honorio Ong @Kapalaran Ayon sa Palad | May 10, 2023
KATANUNGAN
Gusto kong malaman kung kami na ba ng boyfriend ko ang magkakatuluyan? Seaman ang boyfriend ko, pero may pangako siya na ‘pag marami na siyang ipon, magpapakasal na kami next year.
Almost three years na kaming mag-on, pero mula nang nag-abroad siya, nagtataka ako dahil hindi ko na siya nami-miss. Gayunman, may manliligaw ako ngayon, medyo napapalapit na ang loob ko sa kanya, pero hindi ko pa siya sinasagot.
Gusto kong matiyak kung sino sa kanilang dalawa ang aking mapapangasawa o makakatuluyan ko base sa guhit sa aking mga palad?
KASAGUTAN
Walang alinlangan na iisa lang ang malinaw na Marriage Line (Drawing A. at B. 1-M arrow a.) sa kaliwa at kanan mong palad. Tanda na kung sino ang una mong naging boyfriend nang seryoso at long engagement, tiyak na siya na ang iyong makakatuluyan.
Ang pag-aanalisa na kung sino ang unang nakarelasyon mo ay siya na ring magiging huli ay madali namang kinumpirma ng simple mong lagda. Isang lagda o pirma na walang kaarte-arte o burloloy, na nagpapahiwatig ng simpleng buhay, love life at pag-aasawa.
Ngunit tulad ng nasabi na, kahit may manliligaw ka pa ngayon, at unti-unti na siyang napapalapit sa iyo, hindi pa rin mananaig ang koneksyon o landian niyong dalawa. Sa halip, sa iyong pag-aasawa, tulad ng naipaliwanag na, ang first boyfriend mo pa ring nasa abroad ang iyong makakatuluyan, lalo na kung ang nasabing lalaki ay isinilang sa buwan ng Enero, Setyembre, Nobyembre, Disyembre, na siyang laging nakakatuluyan ng mga taong isinilang sa buwan ng Mayo na tulad mo.
MGA DAPAT GAWIN
Sa iyong tanong kung ang boyfriend mo na bang seaman ang iyong makakatuluyan sa kabila ng may manliligaw kang iba ngayon at sabi mo nga ay napapalapit na rin ang loob mo sa iyong manliligaw, eksakto ang tugon— ayon sa iyong mga datos, Melissa, tama ang pangako sa iyo ng boyfriend mo.
Sa sandaling sumapit ang taong 2024, sa kanyang pag-uwi galing abroad, tiyak ang magaganap, tulad ng nasabi na at tulad ng inaasahan, yayayain ka nang magpakasal ng boyfriend mo at hindi ka naman makakatanggi pa, sa nasabing taong 2024, sa buwan ng Oktubre, may masaya at engrandeng kasalan na magaganap. Ito na rin ang magiging simula ng maligaya at panghabambuhay na pagpapamilya.
Comments