ni Jasmin Joy Evangelista | January 20, 2022
Makalipas ang halos tatlong taon matapos ipasara dahil umano sa dulot na polusyon sa Manila Bay, muling binuksan ang Manila Zoo pero limitado lamang ang puwedeng pumasok dahil sa COVID-19 pandemic.
Kasama ni Manila Mayor Isko Moreno ang mga city officials sa unang araw ng pagbubukas nito kung saan limitado lamang ang bilang ng mga papapasukin bilang pag-iingat at pagsunod sa health and safety protocols.
Ayon kay Moreno, ang 5-hectare facility na ito ay kayang mag-accommodate ng hanggang 16,000 katao pero dahil sa pandemya, lilimitahan lamang sa 1,000 katao ang papayagan aylt bibigyan ng free entrance sa Manila Zoo.
“Mga lolo’t lola ko, mga senior citizen, yung apo ninyo pwede nyo nang ipasyal dito, tapos may bakuna pa. So two birds in one stone,” ani Domagoso sa isang interview.
Bukas ang zoo hanggang Jan. 31 at pag-aaralan ng mga local officials kung babaguhin ang protocols sa mga susunod pang araw.
“We will see kung gaano mangyari, then we can make it bigger in terms of numbers and foot traffic, para nang sa ganun, maiwasan pa din natin yung pagsasama-sama na hindi masyado naayos,” pahayag ng alkalde.
Ginamit din ng Manila LGU ang zoo bilang pasilidad sa pagbabakuna sa mga kabataang edad 11-17, at maging mga senior citizens.
Para sa mga nais pumunta at magpabakuna, mag-enroll lamang sa www.manilacivod19vaccine.ph.
Ito ay parte ng programa ng Manila LGU para ma-expand ang access ng mga residente sa bakuna.
“Mayroon silang health center, school, malls, tapos yung ating drive thru sa 2-wheel dun sa Kartilya, tapos yung 24/7 na booster caravan drive thru sa Luneta, tapos ito sa Manila Zoo,” pahayag ng alkalde.
Yorumlar